Kasama namin si John Estrada sa Cebu para mag-shoot ng ilang eksena para sa bagong teleserye niya sa ABS-CBN. Masaya ang naging kuwentuhan namin ni John. Natatawang naikuwento sa amin ng aktor na may boyfriend na si Ina, ang panganay na anak nila ni Janice de Belen.
Nangyari raw ang pag-amin ng dalaga over dinner. Diretsong sinabi ni Ina na : “Dad, I have a boyfriend and I want you to meet him,” na ikinawindang ni John.
Sleepless nights si John sa nalaman niya tungkol sa panganay na anak.
“Noong araw na ipapakilala niya (Ina) sa akin ang boyfriend niya, talagang napapaisip ako. And finally nga, na-meet ko na yung guy,” kuwento ni John.
Noong araw na kasama namin si John, abalang-abala ito sa preparations para sa 18th birthday ni Ina.
“Gusto niya lu-au theme, para maiba raw. Pinagbigyan ko naman. Kinausap pa nga ako na sa party daw, huwag akong magbiro about her boyfriend.”
Nakakatawang ikinuwento rin ng aktor na minsan ay sinisita niya ang anak.
“Kapag tinitext ko, tamad na tamad mag-reply. Ang katuwiran niya, wala raw siyang load. Pero nung boyfriend na niya ang nag-text, ang bilis humawak ng phone at text agad.”
After magkuwento, it was only then na na-realize ni John na hindi na siya bata. At ang kanyang panganay ay isa nang ganap na dalaga.
* * *
Alagang-alaga si Coco Martin ng ABS-CBN. Sunud-sunod ang shows ng mahusay na aktor sa kanyang mother network. Noong Lunes, January 18 ay nag-launch ang Kung Tayo’y Magkakalayo. Noong Biyernes ay nagtapos ang Nagsimula Sa Puso. Ngayong Pebrero naman ay ipalalabas na rin ang Agimat Presents: Tonyong Bayawak.
Hindi naman nakapanghihinayang na bigyan ng importansiya si Coco dahil sa husay at professionalism na ipinapakita niya. Kahit sa films, in-demand na rin si Coco. May mga offers sa kanya ang Star Cinema. Pero maingat siya sa pagtanggap ng film projects.
Kahit sa endorsements, in demand na rin si Coco. Lumabas na ang TVC niya ng Wow Ulam. Kasama na rin siya sa listahan ng mga sikat na celebrity endorsers ng Bench. In fact, nakataas na ang ilang billboards ni Coco for the hippie holiday campaign ng Bench.
Pinahahalagahan ng aktor ang hard-earned money niya. Nag-iipon siya ngayon para makabili ng sariling bahay at makasama ang kanyang ina at kapatid.
Sa sobrang kaabalahan ni Coco, tila nakakalimutan ni Coco ang kanyang lovelife.
“Priority ko muna ang trabaho. Mag-ipon. At kapag dumating yung time na nakita ko na ang right girl, may savings na ako. Ready na ako. Magiging proud siya sa akin,” sabi ng aktor.
* * *
Kung pagbabasehan ang mataas na rating ng Kung Tayo’y Magkakalayo, sigurado nang blockbuster hit ang Paano Na Kaya, ang pelikulang pinagtatambalan nina Gerald Anderson at Kim Chiu. Excited na ang tagahanga ng tambalang Kim at Gerald sa pagpapalabas ng pelikula sa Miyerkules, January 27. May premiere night ito sa SM Megamall Cinema 10 sa Martes, January 26.
Malakas ang dating ng trailer ng movie kapag napapanood namin. May kakaibang kilig ang mga eksena nina Kim at Gerald. Tungkol ito sa mag-bestfriend na later on ay naging mag-lovers.
Hanggang sa mga oras na ito ay hindi pa rin umaamin sina Kim at Gerald ng real score sa kanila. Pero maraming malapit sa dalawa ang nagsasabing mag-on na ang dalawa.
“Obvious naman e,” sabi ng aming kausap. “Makikita mo sa mga kilos nila. Kapag nag-aaway sila, mapapansin mo agad. Si Gerald, hindi inaalis ang tingin kay Kim. Si Kim, lumilipat ng dressing room. Sobrang tension ang nangyayari. Pero kapag okay na okay naman, ayun, oa sa ka-sweetan.”
Hindi na rin naman bata sina Kim at Gerald. Kung may kailangan silang aminin, hindi naman masama dahil ilang taon na rin naman silang exclusively dating.