MANILA, Philippines - Ginawaran ng ABS-CBN News Channel (ANC Skycable Channel 27) kamakailan lang ang anim na baguhang direktor na babahagi sa proyektong amBisyon2010, kung saan gagawa sila ng maiikling pelikula tungkol sa iba’t ibang isyu sa bansa tulad ng korupsiyon, populasyon, ekonomiya, demokrasya, at karapatang-pantao.
Ang amBisyon2010 ay konsepto ng mga direktor na sina Emman Dela Cruz at Paolo Villaluna na naglalayong ipakita ang kalagayan ng Pilipinas mula sa perspektibo ng 20 direktor.
Kasama nina Dela Cruz at Villaluna, naghayag na ng pagsuporta sa proyekto ang mga kilalang director na sina Jeffrey Jeturian, Erik Matti, Ditsi Carolino, Kiri Dalena, Henry Frejas, Jade Castro, Ellen Ramos, Jon Red, Jerrold Tarog, John Torres, at ang mga nanalo sa Cannes Film Festival na sina Brillante Mendoza at Raymond Red.
Ang huling anim na slots naman ay ibinigay kina Anna Matutina, Pam Miras, Aissa Penafiel, Emerson Reyes, Gym Lumbera and McRobert Nacario na napili mula sa 80 aplikante nina ABS-CBN News and Current Affairs head Maria Ressa, Philippine Independent Filmmakers Cooperative chairman Dr. Clodualdo del Mundo, at ang publisher at critic na si Erwin Romulo.
Ipalalabas ang mga pelikula ng amBisyon2010 sa telebisyon at pinilakang-tabing bago maghalalan.
Pumunta lang sa www.abs-cbnnews/ambisyon2010 para sa pinakabagong balita sa ambisyon2010.