Huling-huli sa kapwa lalaki, aktor nakikipagkurutan sa eroplano
Nakapulot ako ng balita sa isang presscon na pinuntahan ko kahapon. Personal experience ng source ang kanyang kuwento kaya naniniwala ako.
Una, hindi naman taga-showbiz ang source.
Ikalawa, may saksi sa kanyang nakita. Paborito ng source ang guwapong aktor kaya na-excite siya nang magkasabay sila sa eroplano na papunta sa Davao.
Biglang nawala ang big crush ng source sa kanyang na-witness. Nakikipagkurutan ang guwapong aktor sa kasama nito.
Tanong ng isang reporter na nakikinig sa kuwento ng dismayadong source, “Baka naman handler niya ang kanyang kabiruan?”
“Hindi raw” dahil kasing edad ng aktor ang kakurutan nito. May itsura raw ang mhin at pareho silang nakasuot ng sumbrero.
Tinawag pa ng source ang kanyang kasama na nagpatunay na nahuli nila na nakikipagkurutan sa tagiliran ng katawan ang guwapong aktor.
* * *
Wala sa itsura ni Edu Manzano na ngarag siya sa pangangampanya dahil fresh na fresh ang kanyang itsura nang makipagkuwentuhan siya sa entertainment press.
Nakatulong pa nga kay Edu ang paglilibot sa buong Pilipinas dahil nabawasan ang kanyang timbang.
Si Edu ang running mate ni Sec. Gilbert “Gibo” Teodoro. Nagulat ako nang sabihin ni Edu na 45 years old pa lang si Gibo at 54 years old siya. Binaligtad lang ang mga numero ng mga age nina Gibo at Edu pero parang magkaedad sila.
Ang sey ni Edu, nagi-guilty siya dahil nabawasan ang oras niya para sa kanyang mga anak dahil sa kampanya.
Babawi siya sa kanyang mga anak kapag natapos ang eleksiyon. Pito ang sagot ni Edu nang itanong sa kanya kung ilan ang anak niya. Ang sabi naman ni June Rufino, tatlo, pero may humirit na apat ang anak ni Edu.
Nalito ako dahil umiral na naman ang pagiging palabiro ni Edu.
* * *
Naikuwento ni Edu na si Vilma Santos ang hinahanap sa kanya ng mga tao sa malalayong lugar na pinupuntahan niya.
Understandable na si Vilma ang hanapin dahil may anak sila. May mga lugar sa Pilipinas na hindi abot ng radyo, diyaryo at TV. Hindi ako magtataka kung si Vilma pa rin ang alam nila na misis ni Edu.
Proud na proud si Edu sa achievements ng kanyang anak na si Luis Manzano. Hindi siya nagkamali sa kanyang desisyon noon na huwag ipakita si Luis sa publiko para makatapos ng pag-aaral.
Nasabi ni Edu na may mga nagsalita noon na ipinagdadamot niya si Luis pero sa bandang huli, siya ang tama. Graduate na si Luis ng college nang pumasok sa showbiz at isa siya sa mga intelihenteng personality na napapanood sa TV.
* * *
Gusto kong iparating sa aking kumpareng Oscar Atienza ng Amerika na hindi ko pa birthday. Naloka ako sa e-mail na ipinadala sa akin ni Pareng Oca at ng kanyang misis dahil binabati nila ako ng happy birthday.
Sa May 20 pa ang kaarawan ko. Hindi ko alam kung saan nakuha ni Pareng Oca ang impormasyon na Enero ang birthday ko. Inisip ko na lang na napanood nila ang StarTalk noong Sabado at nagkamali sila ng intindi sa sinabi ni Dr. Victoria Belo sa interbyu na magka-birthday kami ni Dr. Hayden Kho, Jr.
Sa May 20 pa ang birthday namin ni Hayden na may agreement na magkikita sila ni Mama Vicki, apat na buwan mula ngayon. Duda ako kung mangyayari ang kanilang kasunduan dahil ngayon pa lang, miss na miss na nila ang each other. Each other daw, o!
- Latest