Emir ni Direk Chito nagsimula na

MANILA, Philippines - Tuloy na ang produksiyon ng Emir ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) na pinamumunuan ni Mr. Jackie Atienza sa pakikipagtulungan ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Ang Emir ay isang full-length movie musical ng award-winning director, Chito S. Roño at istorya ng isang Filipina na naging yaya sa isang pamilya na may dugong bughaw. Bilang si Yaya Amelia, nagkaroon siya ng malalim na ugnayan sa mga inaalagaan, lalo na sa susunod na kokoronahang prinsipe. Dahil dito, malaking sakripisyo ang ibinigay niya para protektahan ang alaga.

Isinulat ito nina Direk Chito at Jerry Gracio. May orihinal ding musika na likha ni Jerry at inawit nina Gary Granada at Rody Vera. 

Ang pelikula, na kauna-unahang produksiyon ng CCP, ay kukunan sa Ilocos Norte, Ifugao Province, at sa bansang Morocco. At gagamit sila ng state-of-the-art RED camera at mas pinagandang Dolby 5.1 surround sound.

Inaasahan na makapagbibigay ng pag-asa sa paningin ng mga Pinoy, lalo na sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs), ang takbo ng istorya ng Emir.

Nakatakdang ipalabas sa first quarter ng taong ito ang Emir.

Show comments