MANILA, Philippines - Sa loob lamang ng humigit-kumulang apat na taon, napamahal na kay Ambassador Kristie Kenney, ang kauna-unahang babaeng US Ambassador sa Pilipinas, ang lahat ng mga Pilipino sa iba’t ibang antas ng buhay.
Ibabahagi ni Kenney ang kuwento ng kanyang buhay sa unang pagkakataon kay Cheche Lazaro bago niya tuluyang iwan ang Pilipinas ngayong Miyerkules (Jan 13) sa Probe Profiles.
Sa mahigit 100 taong away-bating relasyon ng Pilipinas at Amerika, si Kenney ang katangi-tanging US envoy na hindi nakatikim ng batikos at insulto mula sa madla. Niyakap niya ang kultura ng mga Pilipino at nanatiling bukas ang loob sa publiko. At ngayong nalalapit na ang pagtatapos ng kanyang serbisyo, nais niyang ibahagi sa mga Pilipino ang kanyang mga naging karanasan na nagbigay ng bagong kahulugan ng diplomasya sa Pilipinas.