Naglagare ako kahapon sa dalawang press conference kaya maaga akong umalis ng bahay.
Una kong pinuntahan ang lunch date with Edu Manzano pero nabigo akong tanungin siya tungkol sa mga isyu na kanyang kinasasangkutan dahil hindi dumating ang Vice Presidentiable.
Ang busy schedule ni Edu ang dahilan kaya hindi siya nakaapir. Namigay na lang ng mga importanteng dokumento tungkol sa mga magulang niya ang kanyang manager na si June Rufino.
Noon pa gusto ng mga reporter na mainterbyu si Edu. Hindi pa nila nakakausap nang masinsinan si Edu mula nang magdeklara ito ng kandidatura sa pagka-Bise Presidente.
Palagi kong nababasa sa mga diyaryo na magkasama sina Edu at Gibo Teodoro sa pag-iikot sa buong Pilipinas. Malamang na nag-ikot na naman sila kahapon kaya hindi nasipot ni Edu ang lunchdate niya sa entertainment press.
* * *
Mga star material ang 23 finalists ng Picture Flawless ng Flawless. Sa 23 finalists, twenty-one lamang ang nakarating sa presscon dahil may sakit ang isang contestant at may importanteng lakad daw ang another contestant.
In fairness, magagaling sumagot ang mga finalist na nag-aambisyon na magkaroon ng mga giant billboard sa Edsa.
Pero dalawa lang ang winners na pipiliin sa pamamagitan ng text votes. Malalaman sa susunod na buwan ang winners dahil magkakaroon uli ng presscon ang Flawless.
Tuwang-tuwa si Rubby Sy dahil mainit ang pagtanggap ng press sa mga contestant. Si Rubby ang big boss ng Flawless at siya ang may idea ng Picture Flawless Contest.
Hindi lamang ang Flawless ang pinagkakaabalahan ni Mama Rubby. Inaasikaso rin niya ang bagong bukas na Beauty & Butter sa 5th level ng Megamall. Takaw-pansin ang nail polish ni Mama Rubby na gawa sa Beauty & Butter na mga teen-ager ang market pero dinarayo rin ng mga adult at ng mga kalalakihan.
Vain na rin ang mga mhin ‘huh! Nakikipagsabayan na rin sila sa mga kakabaihan sa facial, manicure, pedicure, at kung anik-anik na pampaganda.
* * *
Hindi pala alam ni Aster Amoyo na ibinasura ng korte ang perjury case na isinampa laban sa kanya ni Mommy Rose Flaminiano ng FLT Films.
Nalaman lang ni Mama Aster ang good news nang umapir siya kahapon sa presscon ng Picture Flawless.
Nagtaka pa si Mama Aster nang ikuwento sa kanya ng mga kaibigang reporter na lumabas na sa mga diyaryo ang pagbabasura ng korte sa perjury case.
Mahabang kuwento ang pinag-ugatan ng demanda ni Mommy Rose laban kay Aster na nilapitan pa noon si Vice-President Noli De Castro para humingi ng tulong. Hindi nagdalawang-salita si Mama Aster kay Papa Noli dahil inaksyunan agad nito ang problema niya sa PAG-IBIG.
* * *
Nag-e-emote ang reader na si Myle Lusterio ( gege_akap@yahoo.com ) tungkol sa mga female host ng Wowowee. Read n’yo ang kanyang emote : Hello Miss Lolit Solis! Super-hilig ko na basahin ang column n’yo sa Pilipino Star Ngayon everyday, kaya nga nang nalaman ko na puwede na mag-send ng e-mail, naisipan ko na sana ito na ang maging way para sa aking irereklamo.
I always watch Wowowee as in lagi, kaso nga lang nakaka-disappoint talaga ang mga girl host especially RR Enriquez and Valerie Concepcion.
Kulang na lang ay huwag na silang magdamit at kung minsan ay si Willie pa mismo ang magsasabi na ganun na lang ang suotin nilang damit.
Hindi ito magandang imahe sa mga manonood, lalung-lalo na sa mga dalagita na hinahangaan sila. Ang kanilang pananamit ay pawang di magandang pangitain at halimbawa para sa kababaihang tulad ko.
Parang kaming mga manonood ang nawawalan ng dignidad bilang babae sa kanilang mga kasuotan. Nawa’y maging maganda silang halimbawa at magpakita ng intelehente sa mga manonood.