Nakita namin si Alfie Lorenzo sa presscon ng The Last Prince at bilang manager ni Judy Ann Santos, tinanong namin ito kung papayag siyang magkasama sina Judy Ann at Claudine Barretto sa sequel ng horror movie na Ouija ng GMA Films at Viva Films gaya nang nababalita.
Pero madiing “hindi” ang narinig naming sagot ni Alfie at walang dahilan para magsama sa kahit anong project ang dalawa.
Kaya kahit Kapuso talent na si Claudine, malabo pa rin silang magsama sa pelikula ni Judy Ann na kundi kami nagkakamali, last movie contract na niya sa GMA Films ang Ouija 2.
Hirit pa ni Alfie, hindi kailangang pareho (???) nina Judy Ann at Claudine ang isa’t isa para tumakbo ang kani-kanilang career, na totoo rin naman.
Incidentally, after the presscon yesterday, malalaman na kung kailan eere ang kung ano ang time slot ng nurserye ni Judy Ann na Habang May Buhay. Matagal nang hinintay ng mga fans ng aktres na muli siyang mapanood ng regular sa TV at dumating na ang hinihintay nila.
* * *
Si Redgynn Alba ang program manager ng The Last Prince at siya rin ang hahawak sa Encantadia: Second Saga na babalik sa ere sa October. Sabi niya, abangan ng mga Encantadiks (loyal viewers ng show) dahil isang magandang fantaserye ang kanilang inihahanda.
Gusto lang linawin ni Redygnn na wala pang cast ang Encantadia: Second Saga at ayaw din nitong kumpirmahin kung kasama pa rin ang original cast ng fantaserye lalo na ang apat na Sanggre na sina Sunshine Dizon, Diana Zubiri, Karylle, at Iza Calzado.
Kung totoong wala pang cast ang Encantadia, hindi pa sure kung ganun na sina Rhian Ramos, Carla Abellana, Jackie Rice, at Jennylyn Mercado na bida sa ibabalik na fantaserye.
Pero narinig namin si Iza Calzado sa victory party ng Ang Panday na pinag-uusapan na ang fantaserye kahit wala pang script. Kasama pa rin si Sunshine Dizon at Diana Zubiri na balik-showbiz na. Si Karylle na lang ang ’di tiyak dahil nasa ABS-CBN na ito.
“Huwag na natin siyang guluhin. She’s happier kung saan siya ngayon at happy ako sa nangyayari sa kanya,” patungkol ni Iza kay Karylle.
Anyway, mas mabuting maghintay na lang tayo kung ang original Sanggre pa rin ang gaganap sa role nina Pirena, Danaya, Alena, at Amihan.
* * *
Nalungkot ang eight remaining survivors ng StarStruck V sa pagkaka-eliminate nina Princess Snell at Pierro Vergara sa reality-based artista search last Sunday. Nakita naming niyakap ng mahigpit nina Rocco Nacino, Enzo Pineda, at Ian Batherson ang dalawa.
Hindi nakiyakap si Steven Silva na sobrang nalungkot sa pagkatanggal ni Pierro na pareho niyang taga-Davao at kumakain din ng durian. Nakakaloka dahil ang feeling ni Steven, siya na ang susunod na matatanggal.
Binisita namin ang thread ng StarStruck V sa PEX at disappointed ang mga fans nina Pierro at Princess sa kanilang pagkatanggal at nagdi-demand sila ng wild card para maibalik ang dalawa, lalo na si Pierro. Para sa mga fans, si Pierro lang ang may looks na pang-winner at talents na panlaban kay Rocco.
Nagrereklamo ang fans ni Pierro sa “pasaway” image na ibinibintang sa binata dahil may karapatan itong magtanong kundi ba magkakaproblema sa contract niya sa Penshoppe ang pagsusuot ng Bench T-shirt na sponsor ng kanilang show.
Kahit out na, ipagpapatuloy pa rin nina Princess at Pierro ang pagsu-showbiz dahil bukod sa dream nila ang maging artista, gusto ring makatulong sa kanilang pamilya.