Doble ang katatakutan
MANILA, Philippines - Noong 2007, naging blockbuster hit ang The Messengers - isang nakakikilabot na produksiyon mula sa Ghost House Pictures ni Sam Raimi (producer ng The Grudge Trilogy, direktor ng Drag Me to Hell). Ang tagumpay nito ay bunga ng mga nakapaninindig-balahibong mga eksena, outstanding na cinematography, at mahusay na pagganap ng mga artista nito na kinabibilangan ng Hollywood teen star na si Kristen Stewart (Bella ng Twilight).
Ngayong 2010, sa pinaka-aabangang prequel na pelikula ay mapapanood na, ang Messengers 2: The Scarecrow. Dito mabubunyag ang kuwento sa likod ng karakter ni John Rollins, ang taong naghasik ng lagim sa The Messengers.
Sa pelikulang ito, makikita si John Rollins na desperado sa kanyang misyon na maisalba ang kanyang nasisirang lupaing pansaka. Sa kanyang paghahanap ng solusyon, nakakita siya ng kakaibang scarecrow at ito ay itinayo niya sa gitna ng kanyang lupain. Ngunit ang panandaliang ginhawa ay napalitan ng mga kababalaghan… mga kababalaghang unit-unting gumugulo sa matino n’yang pag-iisip. Bunga nito, nag-iba ang kanyang pakikitungo sa kanyang pamilya na sa bandang huli’y nauwi sa isang madugo at nakapangingilabot na katapusan.
Agad nagustuhan ng direktor na si Martin Barnewitz ang storyline ni Todd Farmer, na siya ring sumulat ng The Messengers. Minsan nang nanalo ng Best Short Film para sa pelikulang Glimpse of Darkness noong 2004, sinabi ni Direk Barnewitz na “horror films become more scary once a connection to something real has been made and if the characters have something emotional at stake.” Ang katangiang ito ay nakita niya sa Messengers 2 : The Scarecrow.
Binati rin ng direktor ang pagganap ng kanyang mga artista. Una na ang performance ni Norman Reedus bilang John Rollins. Lubos na inilagay ni Reedus ang kanyang sarili sa karakter ni Rollins.
Tiniyak ni Barnewitz na talagang masisindak ang mga manonood sa mga eksena ni Reedus sa pelikula. Ang pagganap naman ni Heather Stephens bilang Mary Rollins, asawa ni John, ay pinuri rin niya. Ayon kay Barnewitz, “she gave a lot of warmth and life to the character. The contrast between the more emotional and extrovert wife and the introverted, brooding husband worked well. They bounced off each other and their performances came to life.”
Taglay ang mga elemento ng The Messengers, tulad ng solid plot, creepy tone, at credible acting, tiyak na kikilabutan ang mga manonood sa dobleng kilabot na dala ng Messengers 2: The Scarecrow. Ipalalabas simula January 20. Ito’y handog ng Viva International Pictures.
- Latest