Hindi nakasali ang actor-senator na si Jinggoy Estrada sa katatapos na Metro Manila Film Festival (MMFF) pero balak niyang gumawa ng pelikula pagkatapos ng election at plano niyang kunin ang mahusay na comedienne na si Eugene Domingo.
Dahil re-electionist senator this year ang batang senador, dito muna sila magpu-focus at kung kelan maluwag na ang kanyang schedule ay saka niya isisingit ang paggawa uli ng pelikula.
Kahit pinasok na ni Sen. Jinggoy ang public service, hindi ito nangangahulugan na tuluyan na niyang tinalikuran ang kanyang acting career. After all, an actor will always be an actor tulad ng kanyang amang si dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada na muling gumawa ng pelikula (under Star Cinema), ang Ang Tanging Pamilya opposite AiAi de las Alas pagkalipas ng mahigit na dalawang dekada na hindi siya umaarte.
***
Extended ang top-rating fantaserye ni Marian Rivera na Darna sa GMA 7 kaya malamang na ma-delay ang pagsisimula ng Pinoy version ng Koreanovela na Endless Love na siyang magbabalik sa tambalan nila ng kanyang boyfriend na si Dingdong Dantes.
Parehong masaya ang magkasintahang Marian at Dingdong dahil magkasama sila nung nakaraang Pasko at Bagong Taon. Magkasama rin ang dalawa kasama ang pamilya ni Dingdong sa Boracay na first time narating ng aktres.
Kapag natuloy ang show nila ni Dingdong sa Dubai para sa GMA Pinoy TV, malamang na tumuloy sila ng Spain para dalawin ang kanyang Spanish dad.
Matagal nang plano ni Marian na makipagkita sa kanyang ama sa Spain pero parati itong nauudlot dahil sa kanyang very tight schedule. Pero gusto niyang matuloy ito bago pa man nila simulan ni Dingdong ang taping ng Endless Love na balitang magsisimula sa buwan ng Abril.
***