MANILA, Philippines - Ngayong Biyernes, siguradong luluha ang mga manonood sa nakaaantig na pagtatapos ng kauna-unahang ChristmaSerye ng GMA Network, ang Sana Ngayong Pasko.
Ang Sana Ngayong Pasko ay pinangungunahan ng Queen of Philippine Movies na si Ms. Susan Roces na gumaganap bilang si Remedios, ang ilaw ng tahanan ng pamilya Dionisio na nawalay ng matagal sa kanyang pamilya matapos palayasin ng asawa dahil sa maling hinala.
Muling nagbalik sa kanilang tahanan si Remedios pero ang naging problema bukod sa hindi siya tanggap ng panganay na anak na si Gordon (Christopher de Leon), nagkaroon siya ng sakit na senile dementia kung saan unti-unting nawawala ang kanyang memorya.
Ang anak niyang si Fely (Gina Alajar), kahit noong una ay may galit kay Remedios, ang isa sa mga nagmahal at nagmalasakit sa ina. Ang bunsong anak naman ni Remedios na si Stephen (TJ Trinidad) ay puno ng pasasalamat dahil nakaramdam ito sa wakas ng pagmamahal at pag-aaruga ng isang ina mula nang dumating si Remedios sa bahay. Ang mga apo naman ni Remedios na sina Rigo (JC De Vera), Elaine (Maxene Magalona) at Jopet (Jacob Rica) tuwang-tuwa na makasama ang kanilang lola.
Bukod dito, alamin kung matatanggap ba ni Gordon maging manugang ang nakakulong na si Bernie (JC Tiuseco) para sa anak na si Elaine? At matapos ibigay ni Rigo ang isang organ para sa amang halos mag-agaw buhay, maging bukas na kaya ang isip ni Gordon sa mga kagustuhan ng anak? At si Pablo, mapatawad pa kaya siya ng asawa? At isang milagro ba ang darating para gumaling si Remedios?
Huwag palagpasin sa GMA Telebabad.