Ka-liga na si Erich Gonzales ni Kim Chiu. Dapat magsaya siya dahil pareho na silang itinuturing na drama princesses ng Kapamilya network.
Habang maraming artista ang nagkakandakuba na pero hindi pa rin mabigyan ng kahit anong titulo, heto si Erich at kasalukuyan pang umeere ang kanyang unang major drama series, ang Katorse, pero binigyan kaagad siya ng titulong Drama Princess. Yun nga lang, hindi niya solo ang titulo, marami ang humahawak nito.
Bongga ang presentasyon na ginawa ng ABS-CBN para kay Erich sa press launch ng bago nilang serye.
* * *
Simula nang ma-hook sa panonood ng May Bukas Pa ang buong kabahayan ko, itinatanong na nila sa akin kung sino yung gumaganap na kontrabidang kapatid ni Albert Martinez. Pero ang kapatid niya ang hatchet man niya rin, ang gumagawa ng mga maruruming gawain ni Albert na role ng isang mayor ang ginagampanan. First time kasi nilang mapanood ito. Bukod sa guwapo, nagagalingan pa sila rito. Nanghihinayang nga sila dahil kontrabida ang role nito.
Sa press launch lamang ng Tanging Yaman ko nakilala ang bagong nagpapakitang gilas bilang kontrabida. Siya si Ron Morales na medyo naging softer ang mukha dahil wala nang bigote. Sinabi niyang sa May Bukas Pa ay tinanggal na ito.
Kontrabida pa rin ang role niya sa Tanging Yaman, bilang anak ng isang pulitiko (Leo Martinez). Gusto niyang maging mas magaling pa sa ama niya.
When asked kung paano niya lalagariin ang kanyang dalawang roles sa May Bukas Pa at Tanging Yaman, at kung bakit mabilis ang pagsikat niya bilang isang kontrabida, sinabi niyang :
“Nakakulong na ang character ko sa May Bukas Pa. Mawawala muna siya sa limelight. Tungkol naman sa pagiging kontrabida ko, okay lang, kung dito ba ako magkakatrabaho. Masaya na ako dahil tinanggap akong kontrabida ng mga manonood, timing siguro yung pagkakapasok ko bilang kontrabida,” paliwanag ng batang aktor.
* * *
Pati mga mainstream directors ay sumasabak na rin sa paggawa ng mga independent o indie films. Dahil hindi naman kalakihan ang kita sa mga indie films, iniisip ko na lamang na prestige lamang ang habol ng mga direktor na gumagawa ng indie movie. O kaya naman ang pagkakataong mailabas ang mga ideya nila na hinding-hindi nila magagawa sa mga mainstream movies.
Gaya nina Joel Lamangan at Gil Portes na napili ng Cinemalaya Foundation na pagkalooban ng seed money na P.5M each at may karagdagang P100,000 para sa post production para sa pelikula nilang Sigwa (Lamangan) at Two Funerals (Portes) na kasama sa limang pelikula sa Cinemalaya Filmfest Open Category na magaganap sa Hulyo 9-18.