Panday no. 1. sa pagtatapos ng MMFF 2009
Ngayong Huwebes na magtatapos ang 2009 Metro Manila Film Festival. Dito lamang official na ia-annouce ang official figures ng pitong pelikulang kalahok sa taunang filmfest na nagsimula nung araw ng Pasko.
Base sa trend, mukhang hindi na matitinag sa No. 1 position ang Ang Panday ni Sen. Bong Revilla na joint production ng Imus Productions at GMA Films at pumapangalawa naman ang Ang Darling Kong Aswang ni Vic Sotto na magkakatulong na prinodyus ng OctoArts Films, M-Zet TV Productions, at APT Entertainment habang humabol naman sa No. 3 ang I Love You…Goodbye kasunod ang Shake, Rattle & Roll XI No. 4 at No. 5, Mano Po 6 : A Mother’s Love ng Regal Films at No. 6, Nobody, Nobody But Juan ng RVQ Productions at No. 7 at hindi naman natinag sa huling posisyon ang entry ng Solar Films, ang Wapakman na pinagbidahan ng People’s Champ na si Manny Pacquiao.
Kung inyong papansinin, ang ongoing MMFF ay labanan din ng dalawang warring TV networks - ang GMA 7 at ABS-CBN.
Sa dalawang TV networks, pukpukan ang plugs ng kanilang respective MMFF entry as if walang ibang film entries liban sa kanila. Ang entry naman ni Vic (Sotto) na Ang Darling Kong Aswang ay bugbog ang plug sa Eat Bulaga.
Sa pagbubukas ng MMFF nung araw ng Pasko, nanguna ang Ang Panday ni Sen. Bong pero ito’y naungusan ng Ang Darling Kong Aswang ni Vic ng ilang araw (Dec. 26 - 29) na nabawi muli ng Ang Panday simula nung December 30 hanggang sa kasalukuyan.
Umangat din ang I Love You…Goodbye dahil sa sobrang bugbog na plug ng ABS-CBN.
Sa unang linggo ay nagpakita rin ng lakas ang Shake, Rattle & Roll pero ito’y naungusan ng I Love You, Goodbye. Umakyat din ng puwesto ang Mano Po 6 at bumaba naman sa No. 6 ang pelikula ng comedy king na si Dolphy, ang Nobody, Nobody… But Juan.
Five hundred million pesos ang target ng 2009 MMFF na mukhang mahirap ma-achieve considering na pitong pelikula lamang ang kalahok unlike nung mga nakaraang taon na may tatlo pang karagdagang pelikula ng MMFF ang nagbubukas simula Enero 1.
* * *
The people have spoken. Ayaw nila ang Pambansang Kamao sa pelikula kundi mas gusto nila itong makita sa ring.
Kapag may laban si Pacman (Manny Pacquiao), ang buong mundo ay nakamasid laluna ang Pilipinas na very proud at supportive sa kanya.
Minsan na ring sinubukan ni Pacman ang pulitika nang kanyang kalabanin si Rep. Darlene Antonino-Custodio sa GenSan pero natalo siya ng bulilit na kongresista. Muling papasukin ni Manny ang pulitika sa 2010 elections at muli siyang tatakbo sa pagka-kongresista ng lone district ng Saranggani at makakatunggali niya si Roy Chiongbian (mister ng dating Miss Magnolia-turned TV host na si Malu Maglutac) na nagmula sa angkan ng mga pulitiko.
Dito, muling masusubok kung tanggap na ng tao si Pacman sa larangan ng pulitika.
* * *
Si Angel Locsin ang kinuhang celebrity endorser ng Mosbeau, isang produktong pampaganda na produkto ng Japan na unti-unti na ring gumagawa ng pangalan sa Pilipinas. Dapat sana’y may pictorial at TVC shoot si Angel bago mag-Pasko pero hindi ito nangyari.
Umaasa ang mga taga- Mosbeau na matutuloy na ito ngayong Enero dahil hindi na nila naihabol sa kanilang winter catalogue.
Last Sunday, napanood namin si Angel sa The Buzz at personal nitong ibinalita na gagawin nila ni Vhong Navarro ang Si Kokey at Ako at naka-line up na rin ang teleserye na pagtatambalan nila ni John Lloyd Cruz.
Samantala, nagkausap na silang dalawa ni Luis Manzano after their break-up. Personal na pinuntahan ng panganay ni Gov. Vilma Santos si Angel sa dressing room nito sa The Buzz at nag-usap silang dalawa. Pero ayaw i-reveal ni Angel kung ano ang kanilang pinag-usapan.
- Latest