Bago pa umuwi ng bansa si Lotlot de Leon ay nakausap ko na si Guy (Nora Aunor). In fact, hindi lamang naman ako ang tinawagan kundi ang marami niyang kaibigan sa media. Sinabi niyang uuwi siya, wala lang definite date pa, the only definite is she’s coming home!
May mga problema lang na kinakaharap si Guy sa kanyang pag-uwi. Una na ay ang kanyang tutuluyan. She can not impose naman on her children dahil alam naman natin na kumakayod din ng husto ang kanyang mga anak.
Puwede naman siyang mag-stay sa hotel pero kung magiging mahaba-haba ang kanyang stay dito, baka may mga tanggapin siyang trabaho dahil I’m sure marami ang naghahangad na makuha ang kanyang serbisyo, sa pelikula man, TV o concerts, magiging madugo naman ang bayaran.
Meron naman akong condo na maipapahiram sa kanya but Guy is not too proud na tumanggap ng ganitong tulong, lalo’t hindi niya alam kung gaano siya katagal mananatili ng bansa. The same kung ooperan siya ng kanyang mga anak na tumuloy muna sa kanila.
Ito ang kanyang inaayos ngayon. Okay na ang life niya sa US, simple but, she’s happy and comfortable. Yun nga lang, nami-miss niya ang mga anak niya’t apo dito sa ating bansa.
She can get a house pero sayang naman kung sandali lamang siya. But it’s definite she’s coming home. Walang eksaktong petsa. Sosorpresahin na lang niya tayo.
* * *
Malaking balita yung pagko-collapse ni Big Brother ng PBB. Marami siyang fans, hindi lamang ang PBB. Kinailangang dalhin siya ng ospital dahil sa sobrang pagod.
Siyempre, magtataka tayo kung paano ba siya napapagod dahil hindi naman natin siya nakikita. Ni hindi rin natin siya kilala. May iba ba siyang trabaho bukod sa pagiging Kuya sa PBB?
Ganun ba ka-stressful yung pag-iisip niya ng mga ideya ng ipagagawa sa mga housemates? Bakit hindi siya kumuha ng mga katulong, creative team na makakatulong niya sa pag-iisip?
Kung sabagay, kailangang isaalang-alang niya ang pagiging top rater ng kanyang programa. Kailangang mamintina niya ito. Baka ito ang nagbibigay sa kanya ng matinding stress. ‘Di kaya, Kuya?
* * *
‘Di kaya nababahala ang mga taga-It’s Showtime kay Rosanna Roces? Madalas kasing maraming kumakawalang mga salita mula dito na hindi ipinahihintulot na marinig sa telebisyon, lalo’t sa ganung oras. Hindi naman taped ang show kaya ang mga ganung salita ay biglaan lamang, ni hindi maaring remedyuhan.
‘Di kaya nila puwedeng kausapin si Osang para maiwasan na malagay sa hot seat ang show na napakabilis ng pagtaas ng ratings? Ibig sabihin lang, marami ang nanonood nito at marami ang maiimpluwensiyahan ng hindi magagandang salita na tulad ng nasabi ni Osang.
* * *
Parang Buhay Artista pala yung Nobody Nobody… But Juan. Yung role nina Dolphy at Panchito being played by Epy Quizon and Vandolph.
Ang gagaling ng dalawang anak na ito ni Dolphy. Manang-mana sa kahusayan ng kanilang ama. Sayang at ‘di sila nabibigyan ng mga proyektong magpapamalas ng kanilang mga talento.
Maski si Sahlee, ang nag-iisang anak na babae ni Pidol ay maganda pa rin despite the years. Sayang at hindi nito pinursue ang pag-aartista. She could have made it!
Naalala ko ang Clover Theater nang mapanood ko ang pelikula. Nakasabay ko rin naman ang maraming artista nung nagsisimula pa lang ako, una bilang janitor sa Clover at nang magtagal bilang komedyante sa Sampaguita Pictures. Naka-relate ako sa pelikula.