MANILA, Philippines - Teribleng lightning bolts, sweet ngunit nakakamatay na boses, nakakatawa ngunit malupit na personalidad — si Regine Velasquez bilang Elektra ay handa ng lusubin ang Planet Earth ngayong linggo sa Darna.
Galing Planet Venusa, dito namumuno ang mga kababaihan at alipin lang ang mga kalalakihan, bumaba ng Planet Earth si Reyna Elektra para higupin ang lahat ng tubig nito at ilipat sa natutuyot niyang planeta. Upang gawin ito, kakaibiganin niya ang mga taga-Earth at tuluyang sasagupain si Darna.
Bilang unang hakbang, hinigop niya ang utak ng isang bading kung kaya’t nakakausap na niya ang mga tao — gay linggo nga lang! Kasama ang kanyang electric abilities at telekinesis na napapamalas tuwing siya’y kakanta, handa na si Elektrang lokohin ang mga tao at pabagsakin si Darna.
Matupad kaya ni Elektra ang kanyang misyon? Mahigitan kaya ni Darna ang mga nakalolokang powers ni Elektra? O ang Planet Earth na ang magiging bagong Planet Venusa?
Maghanda sa Asia’s Songbird bilang Elektra ngayong linggo sa Darna pagkatapos ng 24 Oras.