Sa paglipas ng taong 2009 at pagsalubong sa 2010 ay gusto naming magbigay ng aming wishes sa mga artista at ibang celebrities.
Dolphy – Karapat-dapat lang na bigyan siya ng malaking pagpapahalaga ng Metro Manila Film Festival dahil sa Lifetime Achievement Award. Sana maibigay din sa kanya ang karangalan bilang National Artist ng bansa.
Sharon Cuneta – Magbawas sana siya ng timbang para mabigyan pa ng maraming proyekto.
Mother Lily Monteverde – Tuloy pa rin ang pagpoprodyus ng pelikula dahil siya ang nagbibigay sigla sa nananamlay na movie industry.
Angel Locsin-Luis Manzano – Magkabalikan sila dahil bagay na bagay sila at boto ang kani-kanilang pamilya sa kanilang relasyon.
Marian Rivera-Dingdong Dantes – Mapanatili ang kanilang pagmamahalan at mag-rate uli ang susunod nilang teleserye gaya ng Marimar.
Manny-Jinkee Pacquiao – Maiwasan na ang intriga na siyang sumisira sa relasyon bilang mag-asawa dahil may mga anak sila na nagpapatibay sa kanilang pagsasama.
Ogie Alcasid-Regine Velasquez – Wedding bells na para maging legal ang pagsasama.
Kris Aquino – Quality time para sa pamilya.
Vic Sotto-Pia Guanio – Magpakasal na.
Richard Gutierrez – Patuloy na maging hit ang mga proyektong ginagawa.
Amalia Fuentes – Magkaroon ng malaking puso na magpapatawad sa kanyang anak na si Liezl dahil walang magulang na makakatiis sa anak.
Sa mga regular na mambabasa sa Pilipino Star Ngayon, isang Masaganang Bagong Taon!
* * *
Natutuwa kami sa aming anak-anakan na si Glaiza de Castro dahil natatamasa na niya ang malaking tagumpay bilang artista. Pagkatapos ng Stairway to Heaven ay makakasama naman niya si Regine Velasquez sa Diva ng GMA 7 at Mark Anthony Fernandez. Nagbunga rin ang kanyang tiyaga at propesyonalismo dahil makakasama na niya ang idolong si Regine.
* * *
Naging malaking tagumpay ang pagdaraos ng Metro Manila Film Festival. Ayon sa executive director na si Rollie Josef, maaabot nila ang target ng P500 million na kikitain sa festival.
Ang kinitang pera ay mapupunta sa Metro Manila Film Festival beneficiaries gaya ng MOWELFUND, Film Academy of The Philippines, Motion Picture Anti-Film Piracy Council, Film Development Council, Optical Media Board, at ang Office of the Presidential Social Fund.