MANILA, Philippines - Dahil may trend ngayon sa Asya na nagsusulputang all-girl singing group, na pinalakas ng mga Korean girls ng 2NEI at Wonder Girls, may pambato naman ang Viva Entertainment — ang Pop Girls!
Sila ay limang dalagita na lahat ay may talento sa pagkanta at pagsayaw. Ang kambal na sina Lai at Mar, 16-year-old na half-Lebanese; 13-year-old half-Dutch na si Rose; half-Swiss na si Schai, 14; at Nadine, 15 years old at purong Pinoy ay dumaan lahat sa matinding audition.
At para makasiguro ang big boss na si Vic del Rosario na mapapangalagaan ang talento ng Pop Girls, kinausap niya ang mga international producers na sina Christian de Walden at Marcus Davis at ang local producer na si Civ Fontanilla.
Ang self-titled debut album nila na under P-Pop (Pinoy-Pop) record label ng Viva ay may 13 tracks na fresh at para sa kabataan. Ang ilan sa mga kanta ay Crazy Crazy (Marcus at Amber Davis) at Crushy (Geleen Eugenio), Urong Sulong (Regine Velasquez), at Kapag Tumibok ang Puso
(Donna Cruz).
Ang Pop Girls ang inaasahang pantapat ng ’Pinas sa sumisikat na tunog K-Pop (Korean Pop).