Kahapon ang 40-days mass para kay Johnny Delgado sa isang simbahan sa San Juan.
Inimbitahan ako ni Laurice Guillen kaya nagpunta ako.
Nahihiya ako kay Laurice dahil invited ako noon sa 9th Day Mass para sa kanyang yumaong asawa pero hindi naman ako nakapunta.
Na-appreciate ko ang mga pag-iimbita sa akin ni Laurice at ng kanyang dalawang anak. Ang feeling ko, member ako ng kanilang pamilya dahil good friend ko si Johnny. Bukas ko kayo kukuwentuhan ng mga nangyari sa padasal para kay Johnny.
***
Nawindang ako sa rami ng e-mails na natatanggap ko mula nang maging active uli ang aking e-mail account. Napakarami pala talaga ng nagbabasa ng PSN na paboritong newspaper ng mga OFW sa Saudi Arabia. Lahat sila eh nagpapabati sa akin kaya bigla akong namroblema. Kung babatiin ko ang lahat ng mga nagpapabati, puro pangalan na lang ang mababasa ninyo sa aking column. Mag-iisip ako ng solusyon para ma-greet ko ang lahat ng nagpapabati.
***
Nakakaintriga ang news na natanggap ko mula kay TL ng Beijing, China. Initials ng pangalan ni TL ang ginamit ko dahil hindi ako sure kung type niya na malaman ng sambayanan ang kanyang identity.
Tungkol sa isang sikat na personalidad ang news ni TL pero hindi ko muna siya papangalanan para hindi ma-hurt ang kanyang family.
“Manay, nagbakasyon pala dito sa Beijing sina _____two weeks ago. Hihihi. Pero ang kasama niya, si ______ .Bond din sila ng family niya with her.
“Tapos, nakasabay ko ang cast ng Mano Po 6 pauwi from Beijing to Manila. Sa sobrang dami nila, ang tagal ng check-in! Inis na inis na ‘yung mga foreigner na nakapila to check-in din Eh, may-I-no idea naman sila kung sino and ano ba ang Mano Po 6. Siyempre ako, starstruck!! LOL
“At, saan ka, super last minute shopping si Ciara Sotto sa Shanghai Tang. (Actually, lahat naman sila.) Pero siya ang may pinakamaraming napamili. Manay, super mahal sa Shanghai Tang, ha? Parang ginawa niyang Divisoria ang shop! LOL
“Tapos, si Heart Evangelista, ang ganda-ganda. Pero, feel na feel din niya na star siya. May- I- smile nang may- I- smile. Siguro para ready lagi pag may kumuha ng photo! O, di ba?
At siyempre, dahil malamig dito (-8 as of this writing), naka-winter attire sila lahat. Pero, bago lumapag ang eroplano, change attire lahat. Itago mo na lang pala akong pangalanan. Bubwit ng Beijing. Hahaha!
***
O di ba, detalyado ang news ni TL? Talagang maganda si Heart at likas siya na palangiti. Napaka-pleasant ng kanyang personality kaya maraming mhin ang may crush sa kanya.
Nag-win si Heart ng best supporting actress trophy sa Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival. Nanalo na siya noon ng best actress award sa FAMAS at ngayon naman, best supporting actress trophy naman. Knowing Heart, katabi niya uli sa pagtulog ang kanyang best supporting actress award tulad nang ginawa niya nang mag-win siya ng FAMAS Best Actress trophy. Magkaroon kaya uli si Heart ng victory party dahil sa kanyang award na natanggap? Why not?
***
May nag-send din sa akin ng litrato ni Sam Milby na kuha mula sa Ohio pero hindi ko puwedeng ilabas dahil hindi ko pinangarap na magkaroon ng copyright problem.
Ang masasabi ko lang, kamukha ni Sam ang babae na katabi niya sa upuan kaya puwedeng magkapatid sila at hindi mag-dyowa gaya ng duda ng e-mail sender na si E.D.
Anyway, maraming salamat kay E.D. dahil sa kanyang effort. Na-appreciate ko nang husto ang e-mail mo.