ASPEN, Colorado— Inaresto ng pulisya nitong Biyernes ng gabi, Pasko ang aktor na si Charlie Sheen dahil sa domestic violence o pananakit.
Hindi binanggit sa ulat ng Associated Press kung sino ang nagreklamo laban kay Sheen pero sinasabi ng impormante ng TMZ.Com na ang nagreklamo ay ang asawa niyang si Brooke Mueller.
Sinasabi ni Mueller na sinaktan siya ni Sheen pero sinasabi naman ng huli na sinaktan siya at ginantihan lang niya ang una.
Ikinulong ng pulisya ang star ng Two and a Half Men ng CBS dahil sa kasong second-degree assault and menacing at criminal mischief.
Sinabi ng pulisya na dinakip nila ang 44 anyos na aktor bilang tugon sa isang 911 call hinggil sa isang report sa domestic violence ng umaga ng araw na iyon.
Sinabi ng pulisya na hindi na kailangang dalhin sa ospital ang biktima.
Ayon pa sa impormante, binawi kinalaunan ni Mueller pagkatapos ng bail hearing ang reklamo at sinabi niya sa isang babaeng pulis na lasing lang siya nang tumawag siya sa emergency hotline na 911.
Pinalaya naman kinalaunan si Sheen makaraang magpiyansa pero sinabi ng pulisya na tuloy ang kaso laban sa kanya.
Kabilang sa mga pelikulang nagpasikat kay Sheen ang Platoon, Wall Street at Hot Shot. (AP)