Mga wagi at sawi sa 2009 isisiwalat

MANILA, Philippines - Sa dinami-rami nang naganap nitong 2009 na yumanig sa Pilipinas, siguradong hinding-hindi malilimutan ng sambayanang Pilipino ang taong ito.

Para sa iba, ang kasalukuyang taon ay naging isang pagkakataon upang ma­kilala at makagawa ng pagbabago hindi lang sa kanilang sariling buhay kundi pati sa buhay ng iba. Ngunit sa iba naman, ito ay taon ng kanilang pagbagsak at paglubog dahil na rin sa mga kaguluhan, krimen, o eskandalong kinasangkutan nila ngayong taon.

Ngayong Linggo (Dec 27), balikan ang pinakamaiinit na balita at kaganapang talaga namang naging bukambibig ng sambayanang Pilipino sa Shoutout 2009: Wagi o Sawi, An ABS-CBN Yearend Special, 10:45 p.m. sa ABS-CBN Sunday’s Best.

Samahan ang mga batikang anchor na sina Karen Davila, Julius Babao, Henry Omaga-Diaz at Ces Orena Drilon sa isang eksplosibo at kakaibang dis­kusyon sa mga pangyayari at indibidwal na tumatak sa bawat Pilipino ngayong taon. Kasama ang isang panel ng mga miyembro mula sa mga sektor ng bansa, mas makikita natin dito ang tunay na epekto ng iba’t ibang pangyayari sa buhay ng mga Pilipino.

Ngayong 2009, mainit na napag-usapan ang malalaking kontrobersiya sa pamahalaan kabilang ang diumano’y kwestiyonableng yaman ng pamilyang Arroyo. Nagsimula rin ang mainit na kuro-kuro matapos ang mga trahedya at kalamidad dala ng mga bagyo tulad ng Ondoy at Pepeng. Sinundan din ng bayan ang mga eskandalong sumira sa mga pangalan at pangarap ng ilang personalidad tulad ni Hayden Kho. Ngayong taon din naganap ang malagim na pagpatay sa Maguindanao na diumano’y kagagawan ng isang miyembro ng isang makapangyarihang pamilya sa pulitika na si Mayor Andal Ampatuan Jr.

Ngunit sa kabila nito, marami ring magagandang nangyari tulad ng patuloy na paggawa ng kasaysayan sa larangan ng pala­kasan ni Manny Pacquiao, ang mainit na pagkilala sa talento ng Pinoy sa pagsikat nina Charice Pem­pengco at Arnel Pineda sa ibang bansa at ang pag­kapanalo ni Brillante Mendoza bilang Best Director sa 2009 Cannes Film Festival. Ngayong taon din kinilala ang Pilipinong si Efren Peñaflorida bilang 2009 CNN Hero of the Year at itong taon din muling binuklod nang nasirang dating pangulong Cory Aquino ang buong bansa sa kaniyang malungkot na pagpanaw.

Lahat sila ay gumawa ng ingay ngayong taon at naging parte na ng kasaysayan ng Pilipinas. At sa pagpasok ng 2010, inaasahang magdadala ng aral o kaya nama’y inspirasyon ang kanilang mga pinagdaanan.

Show comments