Magkalaban sa mga eksena sa Darna sina Marian Rivera at Regine Velasquez, pero in between takes, tsikahan nang tsikahan ang dalawa. Action scenes ang kinunan sa kanila ni direk Dom Zapata at may eksena pang may engkuwentro sila sa ere at maglalaban din sa bubong ng isang bahay.
Bawal pala kay Marian na kunan ng litratong naka-Darna costume at para maiwasang malitratuhan siya, nagbabalabal siya sa katawan at inaalis lang ‘pag take na. Nag-dialogue itong kailangan niyang magtakip ng katawan dahil nagagalit ang mga nagmamahal sa kanya ‘pag nakikita siyang naka-costume ‘pag wala siyang eksena.
Nang usisain kung sino ang mga nagmamahal sa kanyang magagalit, itinuro ang staff at cameramen. Pero ang alam naming nagbabawal sa kanyang rumampa ng naka-costume ay si Dingdong Dantes at matutuwa ang actor na sinusunod siya ng GF.
Mabuti si Regine at safe sa kanyang costume at mga hita lang nito ang naka-display kaya walang dapat ikabahala si Ogie Alcasid.
* * *
Kahit alam nang Kapuso na si Claudine Barretto, ikinagulat pa rin ng press na unang nakapanood sa Cinema plugs ng upcoming shows ng GMA 7 ang pagbulaga ng aktres towards the end at nag-iimbitang panoorin ang Panday Kids, The Last Prince, Endless Love at Encantadia : The Second Saga.
Wala pa ring linaw kung anong project ang unang gagawin ni Claudine sa Kapuso network dahil hindi na raw gagawin ang Pinoy adaptation ng Jewel In The Palace. Ang dinig namin, originally movie material na gagawing TV series ang pinag-uusapang first project ng aktres.
May naka-line-up na movie project din siya na pagtatambalan nila ni Mark Anthony Fernandez at iko-co-produce ng Viva Films at GMA Films.
* * *
Sa salitang Cebuano na salita ng mga taga-Ormoc binati ni Richard Gomez ng Merry Christmas ang mga kaibigan. Heto ang Christmas greetings ng actor : “Gikan sa kinailawman sa akong kasingkasing akong ipadangat diha kaninyo ang usa ka mainitong pagbati, MAAYONG PASKO ug BULAHANG BAG-ONG TUIG!!!
Tinapos ni Richard ang kanyang Christmas greetings ng “Gikan kang Richard Gomez, Lucy ug Juliana.
Sa Tagalog, ang ibig sabihin ng Christmas greetings ni Richard ay “Mula sa kailaliman ng aking puso, ipinaabot ko sa inyo ang mainit na pagbati. Maligayang Pasko at Masayang Bagong Taon.” Ang ibig sabihin naman ng “gikan” ay “galing.”
Tatakbong Congressman si Richard sa 3rd district ng Leyte na sakop ang Ormoc at nakakatuwang malamang nag-effort siyang matuto ng Cebuano. Hindi siya mahihirapang makipag-usap sa mga botante ng 3rd district ng Leyte.
* * *
Sa pagtatapos ng My Christmas Wish List episode ng Dear Friend, pumanaw si Abby (Barbie Forteza) nang mabundol ng sasakyan. Sa pagkamatay nito, mapupunta kay Enzo (Joshua Dionisio) ang puso niya at matututo itong mabuhay uli na siyang gusto ni Abby.