Magandang Christmas gift kay Jericho Rosales ang bigay ng Star Cinema — ang pagtatambal nila sa pelikula ni KC Concepcion. Sa January ang target shooting ng wala pang title na pelikula na ididirehe ni Maryo J. delos Reyes at kasama rin si Gabby Concepcion.
In fairness, kay Sharon Cuneta unang nalaman ng press na magsasama sa pelikula si KC at ang ama nitong si Gabby. Nai-announce ito ni Mega sa presscon niya ng Mano Po 6 at natutuwa siyang magkakasama ang mag-ama sa pelikula.
Busy ang January ni KC dahil bukod sa pelikulang pagtatambalan nila ni Jericho, ire-release rin ang second album niya under SonyBMG. Ang recording ng tracks sa album ang pinagkakaabalahan ni KC sa mga nagdaang araw.
* * *
Nag-last taping si Mark Anthony Fernandez sa Darna noong Dec. 23 at sa Jan. 1, ang last appearance niya sa soap. Ikinuwento sa amin ang mangyayari sa karakter ng actor na si Eduardo, pero hindi muna ipinasulat para hindi ma-preempt ang mga viewers.
Ang paalam ni Mark sa executive producer ng soap na si Edlyn Tallada-Abuel, gusto niyang paghandaan ang next project niya physically and mentally at mangyayari lang ’yun kung makakapag-pahinga muna siya sa taping at ibinigay naman sa kanya ang hiling.
Bago pa ang last taping day ng aktor nakapag-usap na sila ni Marian Rivera at biniro pa siya ng aktres na siya ang nasisisi sa desisyon nitong iwan ang Darna na hindi na hinintay ang pagtatapos sa February.
* * *
Kay Albert Martinez namin nabalitaang extended up to March, 2010 ang May Bukas Pa at habang hindi pa alam kung ano ang gagawin sa karakter niya sa soap, lagare muna siya sa taping. Kasama rin siya sa bagong soap ng ABS-CBN na Kung Tayo’y Magkakalayo na early 2010 rin ang airing bilang husband ni Kris Aquino.
Pagod man, masaya si Albert na sunud-sunod ang show niya sa Channel 2 na magaganda’t tumatatak sa mga viewers. Sabi nito, ’pag nagre-report siya sa taping ng Kung Tayo’y..., kinokondisyon niya ang sarili na siya si Capt. Frank na karakter niya sa soap. Kaso ’pag nakita siya ng mga tao, mayor Enrique Rodrigo na role niya sa May Bukas Pa ang tawag sa kanya.
Kahit busy, tinututukan pa rin ni Albert ang shooting ng digital movie ng Cinemabuhay entitled Slow Fade at tampok sina Diether Ocampo at Lara Quigaman. Sinisigurado ni Albert na hindi mangyari sa pelikula ang nangyari sa last movie nilang Cul-de-Sac at para hindi madaliin ng direktor na si Rommel Sales wala munang playdate ang Slow Fade.
Umabot sa six revisionss ang script ng Slow Fade, mabilis ang pacing at mala-Korean movie ang editing. “Love story in the midst of the battle of brain tumor,” ang istorya ng pelikula.
* * *
Sa Kissflicks episode ng StarStruck V this Saturday, magpapagalingan sa pag-arte at pagandahan sa screen kiss ang natitirang Final 11 ng reality-based artista search. Si Aljur Abrenica ang makakahalikan ng mga girls at si Kris Bernal ang makakahalikan ng mga boys.
Bukas, pipiliin ang Best Kiss at Director’s Choice winner na si Direk Gina Alajar ang pipili. Si Direk Gina rin ang acting mentor ng Final 11.
Abangan din bukas kung may mai-eliminate na naman sa mga natitirang contestants. Palapit nang palapit ang grand finals ng StarStruck V, kaya kailangang todo-boto ang mga supporters ng bawat contestants.