Ay palabas pala uli sa ABS-CBN ang Boys Over Flowers. Pumatok ang nasabing Korean telenovela nang una itong ipalabas sa ABS-CBN na pinagbibidahan ng F4. Pero ngayon, palabas uli ito sa primetime slot ng Dos.
Palabas din uli ang Three Dads with One Mom na nang ipalabas din ay maraming kinilig. At pina-plug ngayon ang re-run ng Miss No Good sa Kapamilya Network.
Baka naman merong iba? Mas bongga siguro kung bago. Parang may sawa factor na ang mga ’yun. Or baka nga may clamor na ulitin ang mga naturang palabas.
* * *
Parang unti-unting nababawasan ang excitement ng Parade of Stars ng Metro Manila Film Festival (MMFF). May coverage ba? Maraming naghahanap sa TV, pero wala silang makita. Nag-try din akong hanapin, pero wala nga.
Samantalang noon, simula umpisa hanggang sa katapusan, may TV coverage. Kung napanood man natin, sa news programs na.
Kulang sa promo ang festival. Ni wala kang mababasa na tungkol dito. Ang awards night nga, pinagtatalunan pa kung kailan. Parang wala ring nakakaalam ng venue.
Kung kailan dapat nagiging bongga ang festival saka naman parang may kulang.
Masyado ring maluwag ang MMFF sa mga pelikulang kasali sa taunang piyesta ng pelikula. May pelikulang nakakalusot na parang hindi naman pang-festival.
Naipilit din ng Solar Films na ipapanood ang Wapakman na hindi pa tapos na tapos. Naipa-review sa Cinema Evaluation Board (CEB) at nagkapagpa-premiere pa sila na DVD copy lang, walang final print.
Anyway, sana naman sa susunod na taon ay maging mapili at medyo strict na ang MMFF. Hindi makakatulong sa industriyang naghihingalo ang mga ganitong sistema.
Samantala, as of yesterday afternoon, pinipilahan sa SM Cinemas ang Ang Panday ni Sen. Bong Revilla, Jr. patricularly SM Mall of Asia nang makausap ko ang isang takilyera.
Ayon nga kay Mr. Joey Abacan ng GMA Films: “Ang Panday is a far number ONE! Maraming salamat sa lahat ng tumangkilik!”
Ang Mano Po 6 ng Regal Films starring Sharon Cuneta ay pinipilahan din partikular na sa sosyal na sinehan na Powerplant. Wala namang halos nanonood ng pelikula ni Manny Pacquiao, ayon sa isang source ng Show My sa nasabing high-end cinema.
Sa Shang Cineplex, patok din ang Mano Po 6 at I Love You… Goodbye.
Hindi naman palabas sa Greenhills Theaters ang Mano Po 6 and Nobody Nobody… But Juan. Nasa movie guide sa mga diyaryo na limang pelikula lang ang palabas dito – Ang Darling Kong Aswang, I Love You… Goodbye, Ang Panday, Wapakman, at Shake Rattle & Roll XI. May nakausap akong isang taga-Greenhills Cinema. Ang rason pala, hindi nila nabunot ang nasabing pelikula ni Mega.
Sa Greenhills Theaters, pinilahan simula first screening ang I Love You… Goodbye nina Angelica Panganiban, Derek Ramsay, and Gabby Concepcion ng Star Cinema.
Sa Sta. Lucia East Grand Mall, naunang pinilahan ang I Love You…Goodbye at Ang Darling Kong Aswang nina Vic Sotto at Cristine Reyes. Habang sa Eastwood Cinemas, pinipilahan ang I Love You… Goodbye and Mano Po 6. Habang hindi naman daw masyadong tinatao ang Wapakman sa mga nasabing sinehan sa Eastwood.
Pero ang advantage ng Ang Panday, sa malalaking sinehan sa SM ito pinipilahan hanggang sa sinusulat ito kahapon.
Nakakalito naman ang published movie guide ng ibang sinehan dahil ang mga pelikulang Avatar at New Moon pa ang nakalagay. ’Pag tinawagan mo naman, festival movies ang palabas sa kanila.
* * *
Balik Umagang Kay Ganda na pala si Pinky Webb. Matagal-tagal din siyang nawala sa nasabing programa na inakala ng marami na iniwan ang nasabing morning show para ikampanya ang dati niyang boyfriend na si Edu Manzano na kumakandidatong bise presidente pero ang ending pala, maghihiwalay sila pagkatapos niyang mawala sa show.
* * *
Ang ganda ng music video ng pelikulang Of All the Things nina Aga Muhlach and Regine Velasquez. Inilabas na ang nasabing music video sa mga sinehang palabas ang Ang Panday.
May chemistry talaga sina Aga at Regine at feel na feel ’yun sa bago nilang pelikula.
Parang may kakaibang magic eh.
At least next year, may sigurado nang pelikula na maganda.
Pero ilang pelikula lang kaya ang magagawa sa 2010?
Sana nga ay mas marami. Pakonti kasi nang pakonti ang mga pelikula kada taon.
* * *
Nakakaaliw naman ang kuwento ng isa kong friend. Isipin mo, meron daw isang presidentiable na nag-donate sa kanilang pa-raffle sa opisina ng isang cellphone na pinaglumaan na ng panahon.
As in black and white pa na wala man lang daw camera. Flashlight lang ang meron. Ang ending daw tuloy, inalipusta ng nakakuha. “Kahit iwanan mo pa yata ito, isosoli sa ’yo nang nakakuha,” natatawang kuwento ng may hawak ng cellphone.
“Hmmm, wala namang masamang mag-donate ng mumurahin, kaya lang imbes na matuwa o ma-appreciate ang binigyan, siyempre napipintasan pa. Puwede namang maraming chocolate na lang, baka natuwa pa ang binigyan niya,” comment naman ng friend ko na dismayado sa nasabing presidentiable.