Umalis nung Dec. 22 ang mag-sweetheart na Ogie Alcasid at Regine Velasquez patungong Sydney, Australia para doon magpalipas ng Christmas kasama ang ex-wife ni Ogie na si Michelle Van Eimereen at ang dalawang anak nila na sina Leila at Sarah, at siyempre ang bagong mister ni Michelle na si Mark Murrow. Pero balik ng Pilipinas sina Ogie at Regine before New Year para dito naman magpalipas ng Bagong Taon.
Sa totoo lang, Salve A., napakaganda talaga ng relasyon ng ex-couple na sina Ogie at Michelle, ganundin naman sa kanilang mga bagong karelasyon sa kasalukuyan na sina Regine at Mark.
Adjusted na rin ang dalawang tsikiting sa kanilang sitwasyon at parehong close kina Regine at Mark.
Speaking of Ogie and Regine, magkakaroon ng concert ang dalawa sa Middle East by February next year. Nasa Qatar sila sa Feb. 4 at sa Dubai sa Feb. 5. Magkakaroon din sila ng US tour sa buwan ng Mayo at kasunod dito ang Europe sometime in June or July next year.
Samantala, twice na naming nakita sina Ogie at Regine na kumain ng dinner sa Toki Japanese restaurant sa Bonifacio Global City sa Taguig na kasama ang pamilya ni Ogie at nasaksihan namin kung gaano ka-close ang Asia’s Songbird sa kanyang (future) in-laws. Katunayan, hindi lang girlfriend ang turing ni Ogie kay Regine kundi asawa na at honey ang kanilang tawagan sa isa’t isa.
* * *
Second mother ang turing ni Sharon Cuneta sa kanyang namayapang yaya (for almost 40 years) na si Yaya Luring kaya ganoon na lamang ang kanyang pagkalungkot nang ito’y tuluyang mamaalam nung nakaraang Dec. 19 ng gabi.
Hindi lamang si Sharon ang inalagaan ni Yaya Luring kundi maging ang mga anak niyang sina KC at Frankie. Tanging si Miel lamang ang hindi naalagaan ni Yaya Luring dahil na rin sa kanyang edad.
Sa totoo lang, mas matagal na nakasama ni Sharon at ng kanyang pamilya si Yaya Luring kesa sa sariling pamilya nito.
Si Yaya Luring siguro ang pinaka-well travelled celebrity nanny dahil kahit saan magpunta si Sharon ay kasa-kasama niya ang kanyang beloved yaya.
* * *
Nang dahil sa tinatamasang kasikatan ng People’s Champ na si Manny “Pacman” Pacquiao, damay na rin sa pagiging celebrity ang kanyang asawang si Jinkee at inang si Aling Dionisia. Sa pagitan nina Jinkee at Aling Dionisia o Mommy D. (pahiram AiAi delas Alas), mas novelty ang pagiging instant celebrity ng huli. Hindi lamang TV commercial ang nagawa ni Mommy D. kundi pati na rin ang pagsasayaw sa TV at paggawa ng pelikula. Pati recording ay pinasok na rin ng Pacmom!
Siguro, Salve A., kung hindi iniwan ng ama ni Manny ang kanyang pamilya ay sikat na sikat na rin ito ngayon. Pero sa huling laban ni Manny kay Miguel Cotto ay dinala rin naman ng Pambansang Kamao ang kanyang ama sa Amerika.
* * *
Kilala ang Metro Manila Film Festival (MMFF) Box-Office King na si Vic Sotto sa pagiging ladies’ man pero magmula nang maging sila ni Pia Guanio, hindi na ito nali-link sa ibang babae kahit sa kanyang mga nakakapareha sa pelikula tulad ni Cristine Reyes sa Ang Darling Kong Aswang.
“Wala naman talagang dahilan para ma-link kami ni Bossing (Vic). May respeto ako sa relasyon nila ni Pia at alam ko kung gaano sila kasaya,” lahad ni Cristine sa final presscon ng kanilang MMFF movie ni Vic.
“At saka, bakit naman kailangan kang ma-link sa leading man mo just because magkasama kayo sa pelikula?”
Nakikiusap din ang nakababatang kapatid ni Ara Mina na sana’y tantanan na siya sa mga intriga lalo na ’yung gusto silang pag-awayin ni Heart Evangelista dahil wala ring rason na mag-away sila.
Sinabi rin ni Cristine na closed book na umano ang chapter nila ni Dennis Trillo kaya sana’y tantanan na rin siya tungkol sa usaping ito dahil nakapag-move on na siya at sana’y ganundin ang aktor.
Masaya si Cristine sa malaking break na ibinigay sa kanya para makatambal si Vic sa Ang Darling Kong Aswang na inaasahang mangunguna sa takilya simula ngayong araw ng Pasko.
“I should be more thankful and count my blessings kaysa makipag-away,” natatawa nitong pahayag.
* * *
Sa final presscon ng Mano Po 6: A Mother’s Love kung saan si Zsa Zsa Padilla ang kontrabida kay Sharon Cuneta, personal na pinasalamatan ng lady-love ni Dolphy ang Regal Films matriarch na si Mother Lily Monteverde dahil sa pagbibigay ng huli ng malaking presscon ng libre para sa MMFF entry ng comedy king na Nobody, Nobody… But Juan.
Hindi ikinakaila ni Mother Lily na mahal nilang mag-asawa (Father Remy Monteverde) si Dolphy at dekada na rin ang itinakbo ng kanilang pagkakaibigan. Katunayan, dumaan pa si Father Remy sa presscon ng Nobody, Nobody… But Juan para lamang magbigay-pugay sa Comedy King.
* * *