MANILA, Philippines - Isang natatanging handog ng Ballet Manila ngayong Kapaskuhan ang Alamat : Si Sibol at Si Gunaw, na mapapanood ng libre mula ika-25 hanggang 27 ng Disyembre sa Aliw Theater sa CCP Complex, Roxas Boulevard, Pasay City.
Sa kauna-unahang pagkakataon, sasayawin ng prima ballerinang si Lisa Macuja-Elizalde ang isang ‘mother role’ bilang ang diyosang si Luningning na nakatalagang pangalagaan ang kalikasan. Iibig si Luningning sa isang mortal na nagngangalang Kapuy sa pagganap ni Nazer Salgado. Ang mag-asawa’y magkakaroon ng kambal na supling - sina Sibol at Gunaw na mayroong kapangyarihan upang alagaan o wasakin ang mundo. Ang Ballet Manila soloist na si Yanti Marduli ang gaganap bilang Sibol, samantalang si Francis Cascano naman bilang Gunaw.
Makikita rin sa naturang palabas sina Justin Kaye-Pitahin bilang Batang Sibol at si Jamil Montebon bilang Batang Gunaw.
Ang Alamat : Si Sibol at Si Gunaw ay isang original na Pilipinong produksiyon na base sa aklat ng Palanca Award hall of famer na si Ed Maranan. Isang kuwentong kawiwilihan ng buong pamilya at ng mga nagmamahal sa kalikasan.
Ang Alamat: Si Sibol at Si Gunaw ay handog ng Manila Broadcasting Company at Star City.