MANILA, Philippines - Nagsama-sama ang malalaking pangalan sa independent movie industry ng bansa para sa proyektong amBisyon2010 ng ABS-CBN News Channel (ANC SKYCABLE Channel 27), kung saan 20 direktor ang lilikha ng 20 maiikling pelikulang tatalakay sa mga isyu sa bansa.
Tatanggap ng grant ang mga batikang direktor na sina Ditsi Carolino, Emmanuel Dela Cruz, Kiri Dalena, Henry Frejas, Jeffrey Jeturian, Jade Castro, Jim Libiran, Erik Matti, Brillante Mendoza, Ellen Ramos, John Red, Raymond Red, Jerrold Tarog, John Torres, at Paolo Villaluna mula sa ANC, na gagamitin nila upang lumikha ng apat hanggang walong minutong maiikling pelikula tungkol sa kani-kanilang ambisyon para sa bansa sa 2010.
Kasama ng 15 direktor ang limang amateur filmmakers na pipiliin mula sa mahigit 80 aplikante para sa huling slots ng amBisyon2010.
Noong Martes (Dec 15) ay isinara na ang pagsusumite ng entries na bubusisiin nina ABS-CBN News and Current Affairs head Maria Ressa, Philippine Independent Filmmakers Cooperative chairman Dr. Clodualdo del Mundo, at ang publisher at critic na si Erwin Romulo.
Ang limang mapipili, na idedeklara sa Enero 2010, ay pagkakalooban din ng grant at ng pagkakataong makasabayan ang 15 kilalang direktor sa movie premiere ng amBisyon2010 sa TV at sa sinehan sa susunod na taon.