Iza may gustong iparetoke sa mukha
Handang-handa na ang 2009 Metro Manila Film Festival Philippines (MMFFP) sa gagawing bonggang pagdiriwang sa taong ito sa pangunguna ng bagong overall chairman na si Judge Oscar Inocentes.
Inihayag ng executive director na si Rollie Josef ang magiging kaganapan sa pagdiriwang. Mula Disyembre 17-20 ang screening ng mga official entries sa MMFFP ng mga board of jurors. Ang mga pelikulang kalahok ay Ang Darling Kong Aswang (OctoArts), I Love You… Goodbye (Star Cinema), Nobody, Nobody But Juan (RVQ Production), Mano Po 6 (Regal Entertainment), Ang Panday (GMA Films/Imus Production), Shake, Rattle & Roll XI (Regal Entertainment), at Wapakman (Solar Entertainment Corporation).
Ang Parade of Stars ay gaganapin sa Disyembre 24 at tiyak na magpapabonggahan ang mga artista sakay ng kani-kanilang float. Magsisimula ang parada sa SMX (Mall of Asia) at magtatapos sa Quirino Grandstand sa Luneta. Magkakaroon ng three stations sa iba’t ibang lugar sa daraanan ng parada kung saan may mga performers at ang last station ay sa Quirino Grandstand kung saan magkakaroon din ng show.
Ang pinakahihintay na awards night ay idaraos naman sa Disyembre 28 sa Harbour Tent ng Sofitel, Philippine Plaza.
Ang 2009 MMFFP executive committee ay binubuo nina Judge Oscar, Maricor Imperial (executive chairman), Rolando Josef (executive director), Edenison Fainsan (chairman, finance), Angelito Vergel de Dios (executive director, TOC) Robert Nacenciano (member), Ric Camaligan (SM Cinemas), Manuel Nuqui (PMPPA), Wilson Tieng (MPDAP), Dominic Du (GMTA), Marcus Ng (MMTA), Boots Anson Roa (MOWELFUND), at Leo Martinez (FAP).
Magsisimula ang pagpapalabas ng mga official entries ng MMFFP mula Disyembre 25, 2009 hanggang January 7, 2010.
* * *
Napakaganda na ni Iza Calzado pero nang tanungin namin sa presscon ng Kaya Kong Abutin ang Langit ay gusto pa rin pala nitong magparetoke.
‘‘May maliliit kasi akong scar sa mukha na hindi naman halata pero gusto ko itong matanggal,’’ aniya.
Ang isa pa niyang pangarap ay ang makakuha ng acting award kaya pinagbubuti pa niya ang pag-arte. Gustung-gusto ni Iza ang karakter niya bilang si Clarissa na sumasabak sa heavy drama na ayon sa aktres ay nakakapagod din.
- Latest