Masaya si Sen. Bong Revilla sa nalamang pati si Dolphy ay nagagandahan sa trailer ng Ang Panday at ito’y kesehodang makakalaban sa takilya ng movie ni Bong ang Nobody, Nobody…But Juan ng Comedy King.
“Nakatutuwa na galing kay Mang Dolphy ang feedback na ‘yun. Malaking responsiblidad ang gumawa ng Panday movie dahil walang puwedeng tumapat kay FPJ. Pero ginawa natin ang pelikulang ito na ‘di tayo mapapahiya, unbeatable at kailangang i-level sa Panday ni FPJ at palagay ko naman, nagtagumpay tayo. Kaya ginawa naman ang pelikulang ito, para tribute kay ninong Ronnie,” wika ni Bong.
Isa pang ikinatuwang balita ni Bong ay makakapag-promote sila sa Eat Bulaga. Malaki ang pasasalamat niya kay Vic Sotto sa pagpayag nitong maipalabas ang trailer ng Ang Panday.
“Nice, good gesture. Wala naman talagang personalan ito at gusto ko, hindi lang ang pelikula ko ang kumita, pati ang Ang Darling Kong Aswang ni Vic at lahat ng pelikulang kalahok sa Metro Manila Film Festival,” wika pa ni Bong.
Sa publicity photos na ipinamigay sa Ang Panday, kasama si Anne Curtis na may special participation sa movie sa role ng isang engkanto na nagligtas kay Flavio (Bong). Paano niya nahiram ang aktres sa Viva Films?
“Ipinakiusap ko kay boss Vic (del Rosario) kung puwede siyang mahiram at ipinahiram naman, kaya thankful ako kay boss Vic at Anne mismo dahil pumayag siya. Malay ninyo, magkatambal kami in the future, gusto ko rin siyang makapareha.”
* * *
Bago pa maitanong sa kanya, itinanggi na ni Vic Sotto na live-in sila ng GF niyang si Pia Guanio. “We don’t live together and no sleeping over,” sabi nito. Sa follow-up question kung ano ang pumipigil para sila’y mag-live-in, ang paliwanag ni Vic, hindi biro ang pag-aasawa at naranasan na niya ito dahil minsan na siyang nag-asawa.
“Wala akong regrets na nag-asawa ako at nauwi sa hiwalayan dahil binigyan ako ng dalawang anak at never kong pagsisisihan ‘yun. Pero ang next time, gusto kong maging near perfect kaya ayaw kong magmadali at ‘di puwedeng madaliin. Bata pa naman si Pia.”
Kung magpapakasal man sila ni Pia, gusto ni Vic ng private wedding. “Pero ‘di ko itatago. I don’t see any reason bakit kailangang itago ang pagpapakasal. Gusto ko lang private and when I say private, family and friends ang nandu’n,” sabi ni Vic na dinagdagan ng “pati press.”
Samantala, very proud din si Vic sa Ang Darling Kong Aswang lalo na ang mga eksenang may special effects. Puwedeng-puwedeng manood ang mga bata dahil horror nga ang movie, pero may halong fantasy at comedy at ipinagmalaking magaganda ang mga aswang sa pelikula gaya nina Cristine Reyes, Agot Isidro, Denise Laurel, at Jean Garcia.
* * *
Ang ganda ng smile ni Heart Evangelista sa narinig na dialogue ni Ciara Sotto sa presscon ng Mano Po 6 na “after this movie, fan na ako ni Heart” dahil ang galing-galing niya rito. Gumaganap na magkapatid ang dalawa, pero ang tsika sa amin, hindi rin nagpatalo sa husay sa acting si Ciara at papalakpakan siya sa breakdown scene niya.
Ayon pa kay Ciara, kahit mag-asawa siya, hindi siya titigil sa pagkanta at pag-aartista. “I’m married to my career first. I won’t stop singing, dancing, and doing movies. This is the best role ever. Best blessing ito sa akin at regalo na ni Mother Lily.”
Dagdag na tsika pa kay Ciara, sariling mga damit daw nito ang ginamit sa mga eksena niya sa nabanggit na pelikula na talaga namang ang gaganda.
* * *
Sa Sana Ngayong Pasko, nilinaw ni Remedios (Susan Roces) kay Fely (Gina Alajar) na wala silang relasyon ng uncle Ernesto nila gaya nang inaakusa sa kanya. Dinala ni Fely ang ina sa kanyang condo para du’n na tumira.