Na-feel ko ang pagkaimbyerna ni Bong Revilla nang malaman nito na idinedenay ni Hayden Kho, Jr. ang insidente na nangyari sa Silang, Cavite noong December 3.
May katuwiran si Bong na maimbyerna dahil pinagmukhang sinungaling ni Hayden ang kanyang mga kababayan.
Ang mga kababayan niya na tumulong kay Hayden para maihatid ito sa ospital. At para malaman niya ang katotohanan, tinawagan ni Bong ang provincial director ng Cavite.
Sinabi sa akin ni Bong na pinatotohanan ng kanyang kausap na si Hayden nga ang nakita sa taniman ng pinya. Siya ang lalake na wala sa sarili, umiiyak, tumutulo ang laway at sipon at gustong magpakamatay.
Sabit ang mga pulis ng Silang sa pagde-deny ni Hayden dahil nag-deny din sila. Buong ningning nilang sinabi na walang ganoong insidente na nangyari. Wala raw naka-blotter.
Nag-usap na si Bong at ang provincial director ng Cavite. Pinaiimbestigahan na ni Bong kung may cover-up na nangyari. Bakit nag-deny ang mga pulis? Bakit na-take nila na magmukhang sinungaling ang mga sumaklolo kay Hayden.
* * *
Napanood ko ang pagde-deny ni Hayden sa Tweetbiz noong Martes. Talagang nag-dialogue siya na baka ibang Hayden ang na-sight sa pinyahan. May ganoon?
Ang akala yata ni Hayden eh makakalusot ang kanyang pagde-deny. Dinagdagan lang niya ang kanyang problema. Dahil sa pagsisinungaling niya, nadamay pati ang mga nananahimik na pulis ng Cavite.
At ang the height, ang mga kababayan pa ni Bong ang kanyang pinaglaruan. Kawawang mga pulis. Tumulong na nga, sila pa ang malalagay sa alanganing sitwasyon. Matutulungan ba sila ni Hayden sa kanilang ginawang pagtatakip? I don’t think so!
* * *
Bukas na ang Christmas party ng PSN. Itsurang trapik, pupunta ako sa PSN office sa Maynila para personal na i-greet ng Merry Christmas si Papa Miguel Belmonte.
Siyempre, ayokong ma-miss ang mga give-away ng PSN. Never pa akong nadismaya sa Christmas gift ng PSN sa kanilang mga empleyado at kolumnista. ‘Yan ang dahilan kaya happy and contented ako sa pagiging columnist ng inyong favorite newspaper!
* * *
Thank you sa Gutierrez family dahil hindi nila nalimutan na ipadala sa akin ang kanilang Christmas gift, kahit hindi ako nakarating sa pa-presscon ng S Magazine.
Ang Gutierrez family ang nasa cover ng December 2009 at January 2010 issue ng S Magazine.
Masayang ibinalita ni Annabelle Rama na malakas ang benta ng S Magazine kaya nagpa-reprint na ng additional copies ang Mega Publications.
Walang umuwing luhaan sa presscon ng S Magazine para sa mga Gutierrez dahil nagpa-raffle si Bisaya ng datung at ng mga mamahaling bag at wallets.
Sure ako na original at hindi imitation ang mga bag na ipina-raffle ni Bisaya. Hindi siya katulad ng isang kilala ko na fake ang mga branded bags kuno na ipinang-regalo sa mga reporter at TV employees!