Hindi naman natin masisisi si Zsa Zsa Padilla kung tumutol man siya sa pagsasa-pelikula ng buhay ni Dolphy. Lubha nga namang maraming buhay na matahimik na ngayon ang magugulo at maraming sugat na hinilom na ng panahon ang muling mabubuksan.
Hindi naman maiiwasan na maisama sa film biography ng hari ng komedi ang makukulay na bahagi ng kanyang buhay, lalo na yung tungkol sa kanyang lovelife. Malaki nga namang kakulangan kung ang kanyang career lamang ang makikita pero nag-aalala pa rin si Zsa Zsa na hindi ito magbubunga ng mabuti para kay Dolphy at sa mga taong mahal nito, lalo na sa kanyang mga anak.
Mayroon na nga namang libro na lumabas tungkol sa buhay ni Dolphy at inaakala niyang sapat na ito para mabatid ng lahat ang naging buhay ng lalaking minamahal niya at ng lahat ng Pilipino.
Parehong abala ngayong kapaskuhan sina Zsa Zsa at Dolphy dahil pareho silang may entry sa filmfest. Si Dolphy ang tampok sa Nobody, Nobody… But Juan ng sarili niyang produksyon. Si Zsa Zsa naman ay kasama sa pelikula ng Regal Entertainment.
* * *
Isa pa rin sa nagbibigay ng inspirasyon sa gabi-gabing panonood ng TV ang Sana Ngayong Pasko, ang ChristmaSerye ng GMA 7 na nagtatampok sa Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces.
Habang lumalaon, lalong mas maraming pamilya ang nakaka-relate sa mga sitwasyon na napapanood sa istorya, ang pangunahing dahilan kung bakit nagbabalik sa pag-arte si Susan.
Nakapasok na si Remedios (Susan) bilang katulong sa bahay ng kanyang mga anak nang hindi agad nakilala ng anak na si Fely (Gina Alajar). Kundi pa sa isang lumang larawan na nakita nito sa mga gamit ng ina ay hindi niya ito makikilala. Pero agad niya itong tinanggap.
Nakilala na rin natin sina Irene (Maxene Magalona) na hindi na makapagtrabaho dahil maselan ang pagbubuntis, ang asawa niyang si JC Tiuseco wala ring trabaho, si Rigo (JC de Vera) na nakatakdang matigil sa kanyang pag-aaral, si Happy (Ynna Asistio) na magbibigay ng inspirasyon kay Rigo at ang bunso ni Remedios na si Stephen (TJ Trinidad) na akala niya ay namatay nung bata pa at ang anak nitong si Rigo (Jacob Rice).
* * *
Parang isang complete turnabout ang ginagawa ni Kim Chiu sa kanyang career. Bukod sa pagpapalit ng kanyang image mula sa pagiging pa-tweetums hanggang sa pagpapa-sexy, tumanggap na rin siya ng role na talagang kakaiba sa pinagkakilanlan sa kanya ng kanyang mga fans. Isa na siyang certified kontrabida sa pang-Metro Manila Film Festival (MMFF) entry ng Star Cinema. Pinahirap niya ang buhay ng mga taong nakapaligid sa kanya, lalo na ang buhay nina Angelica Panganiban at Derek Ramsay.
Kung naging revelation man si Angelica sa seryeng Iisa Pa Lamang (dito siya nagpakita ng husay sa pagiging isang kontrabida sa kauna-unahang pagkakataon), ganito rin ang sinasabing galing na ipinamalas ni Kim Chiu sa filmfest entry ng Star Cinema. Katunayan, sinasabing bibigyan niya ng mahirap na laban sa acting derby ang mga makakaharap niya.