Alam mo, Salve A., tiyak na matutuwa ang successful businessman turned concert producer sa Amerika na si Tito Al Chu ng ABC Entertainment kapag napakinggan niya ang pinakabagong album ni Piolo Pascual under Star Records, ang Decades: The Greatest Songs of the ’50s, ’60s, and ’70s na kamakailan lamang nai-launch.
Bukod kasi sa hanga si Tito Al kay Piolo sa husay nito bilang actor at singer, gustung-gusto rin niya ang nilalaman ng album na Decades.... tulad ng mga classic hit songs na I’ll Be Seeing You, Beyond the Sea, True Love, Are You Lonesome Tonight, Can’t Take My Eyes Off You, You’ve Lost That Lovin’ Feelin, If I Fell, Strangers In the Night, Just the Way You Are, Your Song, Terminal, at Babe na siyang carrier single ng album.
Ang Decades.... ay pang-anim na album na ni Piolo sa ilalim ng Star Records na umabot na hindi lamang sa gold status kundi maging sa platinum.
Bukod kay Piolo, tumulong sa conceptualization ng album ang Star Cinema managing director na si Malou Santos at record producer na si Jonathan Manalo na naging hands-on sa pag-supervise ng production ng latest album ni Piolo.
Since special kay Piolo ang lahat ng mga selections ng album, ang bawat kanta ay meron siyang pinatutungkulan tulad ng Can’t Take My Eyes Off You na dedicated niya sa kanyang Lovers in Paris co-star na si KC Concepcion. Para kay KC din kaya ang Babe?
Habang ang awiting Strangers in the Night ay isa umano sa mga paboritong kanta ng kanyang yumaong ama at isa sa mga awiting natutunan niya nung siya’y pitong taong gulang.
Ang dalawa pang awitin, ang I’ll Be Seeing You at Are You Lonesome Tonight ay para rin sa kanyang dad. Para naman sa kanyang mommy ang awiting True Love habang ang awiting Your Song ay para kay Direk Joyce Bernal dahil paboritong awitin umano ito ng lady director.
* * *
May mga lumabas na balita na nagmaldita na naman umano ang Darna star na si Marian Rivera nang ito’y magtungo sa Japan kamakailan lamang para dumalo sa Darna Look-Alike Search na ginanap sa Tokyo, Japan. At dahil dito, gusto naming ipagtanggol ang kasintahan ni Dingdong Dantes dahil nakasama kami sa nasabing event at wala namang nangyaring ganoong insidente.
In fairness kay Marian, wala pa itong tulog nang umalis sila ng kanyang leading man na si Mark Anthony Fernandez patungong Japan nung Nov. 21 dahil umaga na silang na-pack up sa taping ng Darna.
Kahit puyat at pagod ay dumiretso sila ng airport para habulin ang kanilang flight at sa eroplano na sila nagbawi ng tulog. Pagdating ng Tokyo, late na rin silang nakapag-check in at nakapagpahinga at kinabukasan (Linggo), Nov. 22 ay maaga rin silang nagising in time naman para sa event na magsisimula ng 1:00 PM at natapos ng 6:30 PM at kasama na rito ang meet-and-greet na mahigit isang libong katao ang pinagbigyan nina Marian at Mark sa picture-taking at autograph-signing portion.
Pagkatapos nito ay saka naman sila tumuloy for dinner sa may Roppongi hosted ng businesswoman at publisher ng DP magazine na si Luisa de Leon. Mula sa dinner ay tumuloy naman kami ng Don Quijote for our last minute shopping dahil ito lamang ang bukas ng 24 hours.
Tungkol naman doon sa tatlong magasin na personal na inabot mismo ni Luisa kay Marian, totoong isa lamang ang kinuha ng Darna star at ito yung siya mismo ang nasa cover in her Darna costume. Pero wala kaming nasaksihan na nagmaldita si Marian dahil naging very accommodating pa nga ito for picture-taking kahit nasa loob kami ng restaurant.
Isinulat namin ito para rin ma-clear ang issue dahil naroon mismo kami sa lugar at katabi namin halos si Marian ng upuan.