Doc Hayden miss na miss nang mag-guest sa TV shows

Nag-guest ako sa Tweetbiz ng QTV 11 noong Lunes at dito ko nalaman na guest din nang gabing ’yon si Dr. Hayden Kho, Jr.

May dare ako sa staff ng Tweetbiz na hihintayin ko ang pagdating ni Hayden dahil sa sobrang pagiging showbiz niya, siguradong siya ang mauunang bumati sa akin kung sakaling magkita kami.

Hindi pumayag ang staff ng Tweetbiz. Na-afraid yata sila na baka mag-back out si Hayden kapag na-sight ang presence ko. Baka mawalan pa sila ng guest.

* * *

Hindi tinotoo ni Hayden ang kanyang pralala na “He will give the ratings to ABS-CBN.”

Miss na miss na niya ang mga TV guestings kaya pumayag siya na umapir sa Tweetbiz.

Eklay lang niya ang pralala na hindi siya makatanggi sa kanyang good friend na si Tim Yap. Napaka-convenient na excuse. Hmp!

* * *

Fully booked ako noong Lunes dahil pumunta ako sa Christmas party ni Dr. Victoria Belo para sa second batch ng entertainment press.

As usual, missing in action si Mama Vicki dahil ang kanyang anak na si Cristalle ang nakisaya sa mga reporters na hindi umuwing luhaan.

Hindi ko na hinanap si Mama Vicki. Alam ko na sinadya niyang huwag dumalo sa Christmas party para hindi na siya kulitin ng press tungkol sa bagong drama ni Hayden.

Mula sa Christmas party sa Music 21, dumiretso ako sa studio ng Tweetbiz dahil kiyeme-kiyemeng ako ang kanilang special guest. Hindi kaya nagsisi si Tim na inimbitahan nila ako dahil puro kagagahan ang mga pinagsasabi ko, with matching pang-ookray sa kanya?

* * *

Hindi sa guesting sa Tweetbiz nagtapos ang araw ko dahil pumunta ako sa Sampaguita studios para sa tsikahan portion with Manay Ichu Maceda.

Fifth death anniversary ni Kuya Ronnie Poe noong Lunes at kasabay nito ang advance birthday ce­lebration ni Manay Ichu na Dec. 23 ang actual birth­day. Magka-birthday sina Manay Ichu at Lorna Tolentino.

Sobrang sarap ng mga pagkain na ipinahanda ni Manay Ichu. May sinigang na baboy, turon, inihaw na isda, talong, okra, at mga pagkain na nakapaglalaway.

Naabutan ko sa party ni Manay Ichu sina Susan Roces, Armida Siguion-Reyna, Bibeth Orteza, Dolor Guevarra, Girlie Rodis, at marami pang iba.

Tungkol sa pulitika ang aming kuwentuhan portion at off-the-record ang karamihan. Maloloka ang mga dear readers ng PSN kung isusulat ko ang mga juicy news na pinag-usapan namin. I repeat, juicy news, hindi juicy tsismis. Kapag sinabing juicy news, confirmed ito at hindi haka-haka!

* * *

Hindi na ako nakapunta sa Christmas party ng GMA 7 para sa mga writers. Nabalitaan ko na lang na nag-win ako ng P5K sa raffle draw na forfeited dahil wala ako doon.

Nagkita kami ni Angel Javier noong hapon sa GMA 7 kaya inakala niya na nandoon ako sa party. Hindi man ako nakapunta, ipinadala nila sa akin ang GMA 7 jacket na ipinamigay nila sa press people. Thank you Angel! Thank you Marian! Thank you Jhops at sa ibang staff ng Corporate Communications ng aking favorite TV network!

                                                

Show comments