MANILA, Philippines - Muling kiligin at muling mahumaling dahil ang paborito mong Korean F4, balik primetime na!
Simula ngayong Lunes, mapapanood na uli gabi-gabi sina Jun Pyo, Ji Hoo, Yi Jeong, Woo Bin, at Jan Di sa inaabangang pagbabalik ng tinaguriang Koreanovela Phenomenon of 2009 na Boys Over Flowers sa ABS-CBN.
Mapatawag man o internet ay iisa ang sigaw ng mga Pinoy Asianovela fans at ito ay ang muling masilayan ang hit Koreanovela na siyang nagpasikat sa Asian superstars na sina Lee Min-Ho, Kim Hyun-Joong, Kim Bum, Kim Joon, at Koo Hye-Sun.
Sariwain ang makulay na kwento ng ordinaryong babae na si Jan Di (Hye Dun) at tunghayan kung paano niya hinarap ang hamon sa prestihiyosong Shin Hwa School.
Ang Boys Over Flowers ay nananatiling isa sa pinakamatagumpay at pinakamalaking Koreanovela na ipinalabas ng Dos. Talaga namang tumabo ito sa ratings at walang mintis itong kabilang sa Top 5 na pinakapinapanood na programa sa buong bansa base sa survey ng TNS noong ito ay unang inere noong Mayo.
Huwag palalampasin, Boys Over Flowers: One More Time, pagkatapos ng mas pinaagang Pinoy Big Brother Double Up sa ABS-CBN.