Iilan pa lamang ang nakakapanood ng Ang Panday, kasama na rito ang producer at bida ng pelikula na si Bong Revilla na puring-puri at gandang-ganda sa pelikula hindi dahil produksiyon niya ito kundi dahil ang kulang sa isang taon na paggawa nila ng movie ay nasulit, pati na ang malaking budget na ginastos dito.
“It’s the greatest tribute that one can give Fernando Poe, Jr., ang orihinal na Panday. Apat na ulit niya itong ginawa kaya hindi ko ito puwedeng paglaruan in terms of essence,” anang director na si Mac Alejandre.
“The magic of Panday is in its simplicity, a timeless piece sa pagkukuwento ng karanasan ni Flavio at ang komunidad na kung saan siya nabibilang. Hindi ko ginalaw ang mga characters at sequences, pero nagdagdag ako ng mga bagong tauhan. Ang transition ni Panday mula kay FPJ hanggang kay Bong ay maganda, naipasa niya ang character sa isang karapat-dapat na successor,” dagdag pa ni Direk.
Kaya walang takot at hindi ito nag-aalala sa magiging resulta nito sa box-office. “But I’m hoping for the best. Matutuwa ang mga tao sa mapapanood nila. Mai-excite sila at tatanggapin ang mga bagong tauhan na makikilala nila,” malakas na panalangin niya.
Bukod sa mga bagong tauhan na makikilala sa pelikula kasama pa rin sina Iza Calzado, bilang Maria, ang mahal ni Flavio; Rhian Ramos bilang Emelita, ang babaeng nagmamahal kay Flavio at gagawin ang lahat para maiparamdam dito ang pagmamahal niya; Gladys Guevara, assistant ni Maria na alam ang sikreto ng bulalakaw; Geoff Eigenmann, ang lalaking iibig kay Emelita; Bugoy si Robert Villar, ang sidekick ni Flavio; gagampanan naman ni Phillip Salvador ang role ng demonyong si Lizardo na magtatangkang agawan ng kapangyarihan si Flavio at ang mahal nitong si Maria; Jonee Gamboa si Lolo Isko, ang bulag na tagapag-alaga ni Flavio.
Kasama rin si George Estregan, Jr. bilang hari ng mga tikbalang, Paolo Avelino bilang Kokoy at Stef Prescott bilang Ditas, ang alipin ni Lizardo at love interest ni Kokoy.
Mga pipi’t bingi naman sina Pekto at Bellie bilang Kuroy at Momoy; Carlene Aguilar bilang Teresa, ang seksing manananggal; John Lapus bilang Berting, ang baklang manananggal; Carlos Morales bilang Diego, ang siga sa sa bayan; Luz Valdez bilang Tiya Delia, ang tiyahin ni Emelita.
* * *
Ayaw ni Phillip Salvador na sinasabing makokopo niya ang best supporting actor award sa darating na MMFF Awards Night para sa kanyang role na devil incarnate sa Ang Panday.
Napakahusay daw niyang ginampanan ang kanyang role sa nasabing pelikula pero meron ba namang movie na ginawa si Ipe na hindi siya magaling? First time niyang tumanggap ng kontrabida role pero ang maganda kay Ipe, isa siyang propesyonal, masama na ang kanyang role pero pinasama pa niya. Katunayan para bumagay ang role sa kanya at para magmukhang talagang masama siya, nagpakalbo pa ang aktor at nagpalagay ng kung anu-ano sa mukha. Ang resulta ay di malilimutang mukha at performance mula sa isang nagbabalik na actor.
* * *
Second movie pa lamang ng StarStruck Avenger na si Stef Prescott ang Ang Panday pero excited siya dahil isang malaking produksiyon ang kanyang nasamahan at malaki pa ang kanyang role bilang alipin ng character ni Phillip Salvador.
Isa rin siyang demonyita sa movie. “Dark ang character ko na mayroon palang kabutihang gagawin. Hindi ako totally na bad sa movie,” sabi ng 17 taong gulang na babae na pumunta pa ng Japan para tumulong sa isinagawang audition dun para sa StarStruck 5.
“Nung panahon namin, walang international auditions. Dito lang sa bansa nagdaos ng maraming auditions. Puro locals lang kami. Kung may mestiso at mestisa man, ito yung mga kabataan na dito na ipinanganak at lumaki pero isa sa mga magulang ay banyaga. Tulad ko na British ang ama pero, isang probinsyana.”