Hindi pala totoo yung kuwento na hindi sisiputin ni Judy Ann Santos ang Christmas Special ng ABS-CBN na pinamagatang Bro, Ikaw Ang Star ng Pasko na ginanap sa Araneta Coliseum nung Sabado ng gabi. Very much around ang aktres na napakaganda sa kanyang suot na electric blue gown at hinirang na Reyna ng Teleserye ng Kapamilya network.
Pinaka-unang mapapanood pagpasok ng 2010 ang kanyang nurseryeng Habang May Buhay, isang medical drama na magtatampok muli sa tambalan nila ni Derek Ramsay at Gladys Reyes. Bukod sa bago niyang titulo na madali niyang nakuha sa pagkawala ni Claudine Barretto, mayroon nang Ms. ang pangalan niya ngayon sa nasabing network.
Ang Habang May Buhay ay hudyat ng pagbabalik ni Juday sa paggawa ng teleserye matapos ang matagal-tagal na hindi siya lumabas sa drama. Pagdiriwang din ito ng ika-60 taon ng soap opera na ngayon ay paghaharian na ni Juday.
Isang sitcom ang kasalukuyang tumatakbong programa nila ng mister niyang si Ryan Agoncillo sa ABS-CBN na pinamagatang George & Cecil.
Isa pa ring anunsiyo na nabatid ng napakaraming manonood na dumayo ng Araneta Coliseum ay ang pagbabalik sa pag-arte ng mahusay na concert director na si Rowell Santiago. Kasama ito sa isa pang bagong telenovela ng Dos, ang Tanging Yaman na tatampukan din nina Agot Isidro, Mylene Dizon, Melissa Ricks, EJ Falcon, Erich Gonzales, at Enchong Dee.
Ilan pa sa mga bagong programa ng Dos na mapapanood sa pagpasok ng bagong taon ay ang Precious Hearts Romance na magtatampok kina Sam Milby at Maja Salvador. Sabi ng mga guwapong katabi ko na mga bading pala dahil tili nang tili kay Sam ay nagseselos sila kay Maja dahil ramdam nila na in love dito si Sam. Kita raw nila sa mga nakapalibot na video screens ang pagniningning ng mata ni Sam habang kumakanta sila sa stage ni Maja. Talaga, nakita nila pati yun? Ang talas naman ng mga mata nila.
It was a most beautiful Christmas show, a fitting celebration for the birthday of Bro at nagtampok sa lahat ng Kapamilya stars, kay ABS-CBN president Charo Santos, sa ilang mga bayani na lumabas nung kasagsagan ng bagyong Ondoy. Kinilala at binigyan din sila ng tribute sa show.
* * *
Naramdaman sa Christmas special kung sino ang mga popular na Kapamilya stars. Nangunguna na si Zaijian Jaranilla a.k.a Santino na tuwing lumalabas ng stage ay tinitilian ng audience.
Sinalubong din ng sigawan ang paglabas sa stage ni EJ Falcon kasama sina Enchong Dee at Erich Gonzales. Akala ko, nasapawan na siya ni Enchong sa kasikatan, dahil ito na ang lumalabas na kapareha ni Erich sa Katorse, hindi naman pala.
Tinilian din si Coco Martin nang lumabas ito kasama ang iba pang cast ng Kung Tayo’y Magkakalayo, isa pa ring bagong teleserye na sina Maricar Reyes, Kim Chiu, Gerald Anderson, Gabby Concepcion at ang mag-inang Kris Aquino at Baby James Yap. Panay ang kaway ng bunso ni Kris na nakasuot ng Michael Jackson na parang isa nang ganap na artista.
* * *
Red ang dominating color ng mga suot ng Kapamilya stars. Sumunod ang black, pagkatapos puti.
Nagsilbing showdown ang palabas ng mga magagaling kumanta tulad nina Gary V. Martin Nievera, Jed Madela, Erik Santos, Rachelle Ann Go, ZsaZsa Padilla, Vina Morales, Laarni Lozada, Sheryn Regis, Yeng Constantino, at Arnel Pineda.
Biritang umaatikabo talaga silang lahat. Pero hindi rin naman nagpahuli sina Kuh Ledesma, Nina at Aiza Sequerra. Lahat ng kumanta ay sinaliwan ng isang banda na pinamunuan ni Maestro Ryan Cayabyab. Dahil hindi naman mga talagang singers, minus one ang naging kasaliw ng mga bagets na kumanta rin.
* * *
Mukhang mas madidiin lalo si Krista Ranillo ngayong nagrereklamo rin si Bianca King sa ginawa niyang pagpapaalis dito sa kanilang dressing room.
Hindi pa man nabibigyang linaw ni Krista ang isyu sa kanila ni Manny Pacquiao, heto at may bago na naman siyang kaso.
Panoorin ang blow by blow at detalyadong report ng Showbiz Central tungkol sa mga intriga sa Pambansang Kamao ngayong hapon sa GMA7.