Sosyal ang Showbiz Central. Nainterbyu nila ang mga tao na tumulong kay Dr. Hayden Kho, Jr. na nakita na nakahandusay sa taniman ng mga pinya. Detalyado ang kuwento ng mga saksi kaya hindi sila puwedeng pagbintangan na nag-imbento.
Parang ako ang na-hurt nang marinig ko ang kanilang kuwento na sugatan ang face ni Hayden dahil ikinaskas niya sa mga pinya. Alam natin kung gaano katalas ang mga dahon at bunga ng pinya. Naniniwala ako na wala sa sarili si Hayden ng mga oras na ’yon dahil walang tao na nasa wastong wisyo ang magkikiskis ng kanyang face sa pinya.
* * *
Agree ako na dapat mag-thank you ang pamilya ni Hayden sa mga tao na tumulong sa kanya.
Sila ang nagdala kay Hayden sa ospital. Kung hindi naagapan si Hayden, baka tuluyan na siyang natsugi dahil sa kanyang self-destruction. Alam ko na may regular session si Hayden sa kanyang psychiatrist. Marami ang tumutulong sa kanya para gumaling pero maba-balewala ang lahat ng tulong kung hindi niya tutulungan ang sarili.
* * *
Confirmed ang balita na kapwa babae ang lover ng isang sikat na aktres. May magagawa ba tayo, may history na siya ng pagpatol sa kapwa babae?
Blooming at masaya ang aktres sa tuwing napapanood ko siya sa TV at may pinanggagalingan pala ang kanyang kakaibang aura. Maligaya siya sa piling ng kanyang lesbian dyowa na hindi niya puwedeng ipakilala sa madlang-bayan or else, masisira ang kanyang wholesome image na ipino-project.
Kakaiba ang aktres dahil give and take ang drama nila ng kanyang lover. Hindi lamang siya ang ginagastusan ng tivoli. Ginagastusan din niya ang karelasyon na itinatago sa mata ng mga tao.
* * *
Hindi true ang tsismis na walang Christmas party para sa entertainment press ang GMA 7.
Meron silang Christmas party at gaganapin ito next week. Namahagi na ng imbitasyon ang GMA 7 at natanggap ko na ang invite sa akin.
May mga nagkakalat kasi ng balita na walang Christmas party ang Kapuso network dahil sa mga krisis na naranasan ng ating bansa. Hindi po totoo ang balita. Kasado na ang Christmas party pero hindi ko sasabihin kung kailan at saan para hindi ito puntahan ng mga unwanted!
* * *
Kahapon ang 1st death anniversary ni Marky Cielo. Ang bilis talaga ng panahon. Parang kailan lang nang magulantang tayo dahil sa maagang pagkamatay ni Marky na sumabay noon sa laban ni Manny Pacquiao sa Las Vegas.
Nagbunyi ang lahat sa tagumpay ni Manny pero kasabay nito ang pagluluksa dahil sa pagpanaw ni Marky. Ito ang kuwento noong 2008 nina Marky at Manny.