MANILA, Philippines - Ang nagpasikat nang awiting Muling Ibalik na naging golden hit noon ay muling nagbabalik — ang Golden Boiz.
Sayang ang kanilang talento kung hindi nila ito maipapakitang muli sa kasalukuyan. Mayroon sila ngayong binubuong album na mula sa Alpha Records at sinisiguro nila sa kanilang mga tagahanga na ito ay kanilang maiibigan.
Wala pang titulo ang kanilang bagong CD pero ang dalawang single ng Golden Boiz ay napapakinggan na sa mga FM stations: Ang Pagbabago at Oh Aking Mahal.
Ang Pagbabago ay tumatalakay kung paano natin maiiwasang masira ang ating kalikasan na gawa rin natin. Ang Oh Aking Mahal naman ay tungkol sa pag-ibig na nagsasaad ng kaligayahan kung makakamtan.
Sa tulong ng kanilang tumatayong producers na sina Miss Glory Bern at John Peter ay muling nabuo ang Golden Boiz. Si Miss Bern ang patuloy na naniniwala sa kakayahan ng grupo. Kaya naman kahit sabihin pang naglipana na ang mga banda, iba pa rin ang may talento at may K.
Ang grupo ng Golden Boiz ay pinangungunahan nina Dennis Perez (lead vocalist), Jeff Berenguel (composer, rhythm guitarist), Erwin Quina Goran (lead guitarist), Joey Cambri (bass guitarist), at Ace Paes (drummer).
Abangan ang grupo sa darating na mall at provincial tours, pati na TV at radio guestings. Maaaring tumawag sa 482-1905 at 0910-5079184 para sa mga detalye at bookings o hanapin ang Glory Bern at John Peter Watch- Music Store sa Taytay, Rizal.