Kahit kaunti ay hindi ako naniwala sa kasagsagan ng tsismis noon na buntis si Sunshine Dizon kaya siya pansamantalang nawala sa sirkulo ng showbiz at natanggal sa kanyang programang Tinik sa Dibdib. Maaaring may malubha siyang dahilan pero hindi ito ang pagiging buntis niya o kaya ay may sakit siya.
Talagang nanghinayang ako dahil lubhang napakalaking proyekto ng Tinik sa Dibdib para iwan niya lamang ng ganoon. Mabuti na lamang at madaling nakabawi ito at sa kasalukuyan ay tumatakbo na ito ng maayos.
Bigla ang paglitaw niya sa awards night ng Star Awards for Television. Umagaw pa siya ng atensyon at ningning kay Gretchen Barretto nang sabay silang manalo bilang Best Single Performance by an Actress.
Ang tanging binibigyang linaw niya ay ang pangyayaring hindi siya pumunta ng US para itago ang sinasabi nilang pagbubuntis niya, hindi siya buntis at nasa Pampanga lamang siya all along.
Eh ’di mabuti. At ang maganda, balita namin ay muli siyang pagkatiwalaan ng GMA 7. Makuha rin sana niyang muli ang lugar na dati niyang kinalalagyan bago nangyari ang mga tsismis.
* * *
Kung yung mga nagdadanser-danseran lamang ay nagkaroon ng sarili nilang dance album, bakit hindi naman si Lucy Torres-Gomez na naging isang epektibo at mahusay na host at dancer sa Shall We Dance? ng TV5 at ngayon ay kinikilalang Asia’s Dance Goddess?
Lucy started as a flamenco dancer pero sa pagdaan ng panahon ay natuto at naging mahusay din sa ballroom dancing to her advantage dahil nga sa kanyang programa.
Naglabas ang PolyEast Records ng isang ballroom dance collection na siguradong kalulugdan ng lahat, maski na yung hindi into ballroom dancing, titled Best Dance 100 Ballroom Hits by Lucy Torres-Gomez na nagtatampok ng mga tugtugin para sa Latin waltz, foxtrot, rumba, swing, cha-cha, tango, mambo, samba, quickstep, at polka.
* * *
Manood kayo ng Dear Friend na isang bonggang Christmas story ang tampok para sa buong buwan na ito ng Kapaskuhan. Sabihin n’yo sa akin kung puwede nang pakawalan sa acting ang alaga kong si Jake Vargas na makikipaglaban sa aktingan kina Joshua Dionisio at Barbie Fortez, mga kasamahan din niya sa Stairway to Heaven.
The show will determine hindi lamang ang galing nilang tatlo sa pag-arte kundi maging ang kanilang drawing powers.
Magkakaroon sila ng sarili nilang serye next year at ngayon pa tinitingnan na ng GMA 7 kung karapat-dapat silang pagkatiwalaan ng sarili nilang show.
* * *
Bagama’t nakalulungkot ang pagkawala ni Paolo Bediones bilang Kapuso, hindi naman natin masisisi kung hangarin niyang lumipat for a change. Ilang taon na rin naman siya sa GMA 7 at kahit magaganda ang programa niya, it has come to a point na wala nang challenge. Yes, I believe ito ang hinahanap niya at inaasahang matatagpuan sa kanyang bagong bahay. May bagong namumuno sa TV5 at inaasahan niya na makatutulong siya sa pagpapalaganap ng vision nito para sa network.
Maganda naman ang naging pamamaalam niya sa old network. Naghiwalay sila ng maganda at walang sama ng loob, which is good, dahil ano’ng malay natin, umiikot ang buhay na parang gulong, bukas makalawa, baka makasama natin siyang muli. Good luck sa iyo, Paolo!
* * *
Ano kaya ang napapala nitong mga stalkers? Sila yung mga walang magawa kundi sundan ang mga artista na parang mga anino. Ako’y naniniwala na hindi mga sira ang ulo nila, sobra lang ang pagka-fanatic nila kung kaya ayaw na halos nilang humiwalay sa mga iniidolo nila.
Kung hindi sila nakakasakit, okay lang. Kaya lamang, kapag babae ka at may palaging nakasunod sa ’yo na parang bahagi na ng katawan mo, matatakot kang talaga, hindi ka na mapapakali.
Tulad nang stalker ni Mariel Rodriguez na noong una ay pa-picture-picture lang pero nang malaunan ay nanghahawak na at may hinihingi na sa kanyang kung ano. Kapag nasa loob naman siya ng kotse ay panay ang katok nito.
Nakakatakot nga. Hindi ako magtataka kung kumuha pa siya ng bodyguard. Akala ko kasi ay para lang itong stalker ni Ara Mina na may ilusyong writer siya. Harmless naman, kaya lang titiisin mo ang walang katapusang pagdadaldal nito.