MANILA, Philippines - Kung weekends, aabutan ninyo ng ‘live’ si Santa Claus sa replica ng kanyang bahay sa loob mismo ng Snow World sa Star City. Makikipag-pose siya para sa mga souvenir photos ng mga bata, katunayan na talagang nakita nila si Santa Clause, mamimigay din siya ng mga candies, at makikipaglaro sa mga guests ng Snow World.
Magaling ding magpadulas sa ice slide si Santa, at sinasamahan niya ang mga bata sa pagpapadulas sa pinaka-mahabang man made ice slide ngayon sa buong Asya, na matatagpuan din sa Snow World. Iyon ay may habang 68 meters.
Maaari rin kayong sumakay sa kanyang ice sleigh na hinihila ng mga reindeer na lahat ay yelo rin.
Bukod diyan, si Santa ay nasa Snow World maghapon sa araw ng Pasko, pagkatapos niyang mai-deliver ang kanyang regalo sa mga bata sa buong mundo, at ganoon din sa Bagong Taon.
Inimbitahan ng may-ari ng Snow World na si Thomas Choong si Santa, dahil sabi nga niya, ano ba naman ang Pasko kung wala si Santa Claus.
Sa pagpunta ni Santa sa Snow World, mararanasan din ng mga Pinoy kung papaano nga ang buhay niya sa North Pole kung nasaan ang tunay niyang bahay, pero sinasabi nga ng ilan, kung minsan mas malamig pa sa Snow World, dahil bumababa ang temperature nito sa loob hanggang 15 degrees below zero para matiyak na mapapanatili ang mga ice carvings at naging tuluy-tuloy ang pagbagsak ng snow.
Bukas ang Snow World araw-araw mula alas kuwatro ng hapon, at mula naman alas-dos ng hapon kung weekends.