Ang gandang bride ni Marian Rivera. Bagay na bagay sa kanya ang ayos ng sikat at magaling na make up/stylist na si Bambbi Fuentes sa ginanap na Hair Asia Salon Spectacular ’09 last week sa World Trade Center.
Si Marian ang naging highlight na suot ang gawang wedding gown ni JC Buendia as bridal muse para sa runway presentation ni Bambbi for Spring, Summer, Fall, and Winter.
“Galing pa si Marian sa taping ng Darna. Puyatan sila bago siya rumampa. Pero fresh na fresh pa rin ang hitsura niya,” kuwento ni Bambbi habang hawak ang photos nila ni Marian sa nasabing event sa kanyang salon sa may Timog Avenue.
Actually, hindi niya ini-expect na papayag si Marian na mag-join dahil alam niya kung gaano ka-hectic ang schedule nito. “Kaya nung una, parang hindi namin kinakarir ito. Pero nang pumayag si Marian na rumampa as the bridal muse, nagbago lahat ng plano namin,” kuwento ni Bambbi.
Si Marian ang cover ng Bridal issue last year ng Hair Asia at mas naging exciting this year ang event dahil uli kay Darna.
Si Katrina Halili ang latest cover ng Hair Asia pero hindi ito nakita sa nasabing event.
Anyway, since magsimula si Marian sa showbiz, sa Bambbi Fuentes Salon na talaga siya inaayusan.
At kahit noon pa, bilib na talaga si Bambbi sa ganda niya. Hindi pa man siya sikat at pa-extra-extra lang sa mga shows ng GMA 7. Kung hindi ba naman, siya ang kauna-unahang image model ng Bambbi Fuentes Salon na kahit nga hindi pa siya (Marian) sikat noon, mismong si Bambbi ang nag-aayos sa kanya. Ang maganda lang, kahit super sikat na ang aktres, hindi niya tinalikuran si Bambbi.
Kelan lang ay nakita ko siyang hawak ang blower sa Bambbi Fuentes Salon dahil nagmamadali siya para sa bagong pictorial ng Darna.
So, tanong ko, tatagal pa ba ang Darna?
“Oo, marami pang magagandang highlights,” sagot ng aktres.
Bukod kay Marian, loyal din kay Bambbi ang isa pang magandang si Dawn Zulueta. Although hindi pa bumabalik sa dati ang katawan ng aktres na hindi pa natatagalang nakakapanganak nang makita ko sa salon ni Bambbi, sobra pa rin ang ganda ng mukha niya. Ibang klase ang ganda ng aktres na ito na may dalawang anak na sa asawang kongresista na si Anton Lagdameo. Bestfriends na pala sina Dawn at Lucy Torres na alam ng lahat na siyempre ay dating ginagawan ng issue dahil kay Goma (Richard Gomez). Pero parehong mature ang dalawang pinakamagagandang babae sa showbiz kaya imbes na madala sa intriga naging magkaibigan sila.
Si Bambbi rin ang make up artist ni Janice and Gelli de Belen. Si ’Nay Lolit Solis sa Bambbi Salon din nagpapaayos.
Anyway, kung feel n’yong gumanda rin ng todo, go kayo sa salon niya sa Timog Avenue.
* * *
Kinakarir na rin ni Rhian Ramos ang pagiging singer. Madalas na ngayong pini-play sa MYX Channel ang music video ng kanyang first single na You. At mukhang magiging guest VJ siya dahil may plugging na aapir siya sa nasabing music channel.
Pero iniintriga nila ang pagiging singer ni Rhian. Paano raw nagka-album ang young actress eh boses lalaki ito? Kaya nga raw hindi sa kanya puwedeng ma-in love si Dingdong Dantes. May connection?
Well, kahit anong intriga, mukhang hindi affected ang young actress. Tuloy ang singing career niya. Mataas din ang rating ng Stairway to Heaven nila ni Dingdong na patunay na hindi talaga kailangang i-link sila para mag-rate ang programa nila. Nasa kuwento lang tulad ng Dahil May Isang Ikaw na mataas din ang rating kahit wala na sila Jericho Rosales at Kristine Hermosa kaya wala nang magagawa ang mga nagdadaldal na boses lalaki si Rhian.
* * *
Naaliw ako sa ipinost ni Ms. Girlie Rodis sa kanyang Facebook account – photo ni Ruffa Gutierrez at Apl.de.Ap ng Black Eyed Peas. Over ang pagkakakapit ni Allan Pineda (Apl.de.Ap) kay Ruffa na para bang ayaw na niyang pakawalan ang aktres at parang super fan siya.
“Met Apl.de.Ap of Black Eyed Peas last night. He looked up n said...”Ruffa you’re SOOOOOOOOOOOO TALL”! Am I reallllyyyy???” sabi ni Ruffa sa kanyang Twitter account.
Really what?
Pero OA kasi ang hawak ng miyembro ng sikat na grupong Black Eyed Peas na balitang ang crush ay si KC Concepcion.