Ang ganda ng welcome plug ng GMA 7 kay Manang Inday a.k.a Susan Roces. Na-feel ko talaga ang pagpapahalaga ng Kapuso network kay Manang Inday na bida sa Christmas Special na Sana Ngayong Pasko.
Sina Manang Inday, Christopher de Leon, Gina Alajar, TJ Trinidad, Maxene Magalona at JC De Vera ang mga artista ng Sana Ngayong Pasko. Limited run lang ang Sana Ngayong Pasko dahil sa title pa lang, hindi ito puwedeng umabot ng Valentine’s Day!
* * *
Hindi ako na-weirduhan sa set-up nina Regine Velasquez, Ogie Alcasid, at Michelle Van Eimeren.
Ang ganda-ganda nga ng kanilang relasyon. Kaibigan ni Regine ang ex-wife ng kanyang boyfriend at kaibigan ni Ogie ang husband ng ex-wife niya.
Ipinakita nina Ogie at Michelle na puwedeng maging friends ang mga dating mag-dyowa. Saka, hindi lang sila ang nasa ganoong sitwasyon. Marami ang katulad nila na nakipaghiwalay sa asawa pero naging magkaibigan.
* * *
Sa totoo lang, nakakasawa na ang mga isyu tungkol kina Jennylyn Mercado at Patrick Garcia.
Sa tuwing iniinterbyu ang dalawa, palaging ang kanilang nakaraan ang pinag-uusapan. Kailan sila magkakabati, kailan ipakikita ni Jennylyn kay Patrick ang kanilang anak at napakarami na kailan!
Paulit-ulit na lang ang mga isyu. Para bang wala nang ibang puwedeng pag-usapan tungkol sa kanila eh marami naman ang magandang nangyari sa buhay nila?
* * *
Mapapanood mamayang gabi sa GMA 7 ang part 2 ng Isang Tanong, ang show tungkol sa mga presidentiable.
Umapir kahapon si Papa Mike Enriquez sa Startalk para i-promote ang part 2 ng Isang Tanong.
Ang wish ko lang, magkaroon ng replay ang part 1 dahil late na ito nang magsimula noong nakaraang Linggo.
Teka, may suot na black arm band si Papa Mike. Stop killing journalists ang nakasulat sa armband na suot ng mga mamamahayag bilang pagkondena sa mga journalist na pinatay sa Maguindanao. Nakakakilabot ang ginawang pagpatay sa mga journalist at sa mga inosenteng tao. Naloka ako nang malaman ko na more than 60 pala ang pinatay sa kasumpa-sumpang massacre.
* * *
Si Rhea Santos na ang bagong co-host ni Jiggy Manicad sa Reporter’s Notebook. Ang balita ko, may balak si Maki Pulido na kumandidato kaya nag-goodbye na siya sa Reporters Notebook.
Si Maki ang original co-host ni Jiggy sa Reporters Notebook na napapanood tuwing Martes.
Nagpunta pala si Jiggy sa Maguindanao para sa massacre coverage. Nagpapasalamat si Jiggy dahil nakaligtas siya sa trahedya. Inimbitahan si Jiggy na i-cover ang filing ng candidacy noong November 23 pero hindi siya nakarating. Kung nagpunta si Jiggy, siguradong kasama siya sa mga casualty.