MANILA, Philippines - Mamamahagi ng film grant sa limang direktor o nagnanais maging direktor ang ANC, ang natatanging 24/7 cable news channel sa bansa, para sa proyekto nitong AmBisyon2010.
Kasama ang labinlimang batikang direktor, gagawa ng kani-kaniyang maikling pelikula ang limang mapipili tungkol sa kanilang bisyon para sa bansa sa 2010 at hinaharap.
Bibigyan ng ANC, sa tulong ng mga katuwang na foundations, ang bawat isang direktor ng P30,000 na film grant para gawin ang mga pelikulang tatalakay sa iba’t ibang isyu sa bansa tulad ng korupsyon, demokrasya, ekonomiya, edukasyon, seguridad, kalikasan, kalusugan, hustisya at human rights, populasyon, at kahirapan.
Ayon kay Storyline executive producer at 2009 Bayi awardee Patricia Evangelista, na siyang namamahala sa proyekto, ipapalabas ang mga short films sa isang theater premiere isang buwan bago ang 2010 halalan. Mapapanood din ang mga ito sa cable at free TV sa ANC Skycable Channel 27 at ABS-CBN Channel 2 sa hinaharap.
Para sa mga nais sumali, ipadala lang ang inyong curriculum vitae, short film concept at link sa inyong reel sa amBisyon2010@abs-cbnnews.com bago mag-Disyembre 7. Isang panel ang pipili ng limang mananalo na iaanunsyo naman sa unang linggo ng Enero 2010.
Para sa karagdagang impormasyon, pumunta lang sa www.abs-cbnnews.com/ambisyon2010 o mag-email sa ancbusinessdevelopment@gmail.com.