Matapos mabangkarote ang negosyo aktres nagta-trabaho na lang receptionist sa Amerika

Nung maganda pa ang kanyang kalagayan sa Amerika, madalas magpabalik-balik ng Pilipinas at Amerika ang dating popular actress na ito. Pero nang bumagsak ang kanyang itinayong negosyo sa Amerika ay nahirapan na ang aktres sa kanyang pinansiyal at sa pagkakaalam namin ay nama­ma­sukan na lamang ito bilang receptionist sa isang negosyo ng isa pa nating kababayan doon. 

May ilang taon na ring hindi umuuwi ng Pilipinas ang aktres at kung umuwi man ito, hindi na ito gaanong nagpaparamdam dahil umiiwas na rin marahil sa dati niyang mga kaibigan at kakilala.

May mga kilalang celebrities na nag-migrate sa Amerika ang nahihirapan na rin sa kanilang mga ka­buhayan doon pero patuloy silang nakikipag­sa­palaran doon dahil wala naman silang career na babalikan dito sa Pilipinas.

* * *

Kung ang ABS-CBN ay may Star Cinema at ang GMA ay may GMA Films, mukhang papasukin na rin ng TV5 ang pagpu-produce ng pelikula sa susunod na taon na magandang balita para sa mga taga-indus­triya ng pelikulang Pilipino at sa moviegoing public na rin dahil madadagdagan ang mga pelikulang lokal na ipapalabas at magkakaroon ng trabaho ang mara­mi sa ating mga artista at mga production people.

Kung pangangatawanan ng TV5 Chairman na si G. Manny Pangilinan ang kanyang pangako, 16 na pelikula ang nakatakdang gawin ng bagong itatatag na film outfit ng TV5.

Samantala, maging maluwag pa rin kaya ang ABS-CBN at GMA 7 sa pag­papahiram ng kanilang mga talents sa TV5 ngayong nagiging threat na ito sa dalawang higanteng TV network? Kapag nag­kataon, hindi rin maiiwasan ang pagkakaron ng rigodon sa tatlong TV stations pagdating sa mga talents, exe­cutives, creative at production people.

Kaya, Salve A., abangan na lang natin ang susunod na kabanata.

* * *

Napakasuwerte talaga ngayon ni Dingdong Dantes. Bukod kasi sa marami siyang product endorsements, may dalawa siya ngayong TV shows, ang kanyang top-rating TV series na Stairway to Heaven with Rhian Ramos at ang Family Feud.

Ngayong wala na sa GMA 7 bilang executive producer ng ilang shows ang manager ni Dingdong na si Perry Lansigan, nagagampanan na nito ang pagiging full time manager sa kanyang mga alaga. 

Bukod kay Dingdong, nasa pangangalaga na rin ni Perry sina Jolina Mag­dangal, Angelika de la Cruz at iba pa. Bukod sa talent management, pinasok na rin ni Perry ang events management.

* * *

Nag-last day na ang pagpa-file ng certificate of candidacy ang mga kakandidato sa darating na 2010 elections, marami-rami sa ating mga showbiz per­so­nalities ang pansamantalang mawawala sa kanilang mga programa sa telebisyon at product endorsements kapag nagsimula na ang campaign period.

Nag-deklara na si Edu Manzano sa kanyang pag­takbo sa pagka-pangalawang pangulo bilang ka-tan­dem ni Defense Secretary Gilbert Teodoro. Nag­paalam na si Edu sa kanyang daily game show sa Dos, ang Game Ka Na Ba? Kabi-kabila rin ang mga product endorsements niya kaya malaki rin ang ma­wawala sa kanya. Nauna na siyang nag-resign sa Optical Media Board..

Si Richard Gomez ay tatakbo sa pagka-kongresista sa Ormoc, si Ara Mina ay kakandidato sa pagka-konsehal sa isang distrito ng Quezon City ganoon din ang aktor na si Alfred Vargas. Si Cesar Montano sa pagka-gobernador ng Bohol, si Lani Mer­cado sa pagka-kongresista sa lone district ng Bacoor, Cavite, si Gov. Vilma Santos bilang re-electionist sa pagka-gobernador ng Batangas at marami pa sa ating mga artista. llan kaya sa kanila ang papalarin na makalusot?

* * *

Hindi kami gaanong nakagala sa Las Vegas, Nevada dahil nag-overnight stay lamang kami roon sa aming recent trip sa L.A. While in Vegas, napag-alaman namin na balik sa pagkanta roon ang ama ni Martin Nievera na si Bert Nievera. Si Michael Laygo naman ang pumalit sa yumaong si Gary Bautista bilang lead singer ng Society of Seven, ang grupong pinagmulan ni Bert Nievera, Jun Polistico at Gary Bautista.

Sa pagkakaalam namin, sa Las Vegas na rin na­katira ang dating aktres na si Lenny Santos na ang mister naman ay kapatid ni Jobelle Salvador.

Speaking of Las Vegas, marami sa ating mga kilalang personalities - showbiz at politics ay may mga va­cation houses sa tinaguriang Sin City. Maganda rin ang kalagayan sa Vegas ng dating That’s En­tertainment at OctoArts contract star na si Mikee Villanueva na mas kilala roon sa kanyang tunay na pangalan, Michelle Villanueva-Cadiz. Masuwerte si Mikee sa kanyang husband na si Chris Cadiz at meron na rin silang tatlong anak.

Sa Amerika, magsi­pag ka lang at hindi ka gaa­nong namimili ng trabaho, mabubuhay ka roon.

Show comments