MANILA, Philippines - Tuloy ang pamamayagpag ng ABS-CBN hindi lamang sa bansa kung hindi sa buong Asya matapos itong makakuha ng tatlong nominasyon sa gaganaping 14th Asian Television Awards.
Nominado para sa Best News Program ang Bandila para sa eksklusibo nitong report sa EDSA shootout habang nominado naman ang docu-drama ni Ces Oreña-Drilon na I Survived para sa Best Current Affairs Program.
Ang Bandila, na pinangungunahan ng mga anchors na sina Henry-Omaga-Diaz, Ces Drilon, at Korina Sanchez (kasalukuyang naka-leave), ay pinarangalan na ng maraming prestihiyosong award-giving body tulad ng International Emmy Awards, KBP Golden Dove Awards, at Star Awards for TV para sa natatangi nitong coverage sa mahahalagang kaganapan tulad ng EDSA shootout kung saan may mga sibilyang nadamay sa barilan.
Baguhan namang maituturing ang I Survived na nakatamo ng una nitong parangal bilang Best Reality Show sa kauna-unahang MTRCB Awards. Inaasahang makukuha na ng docu-drama ang kanilang ikalawang parangal sa Asian TV Awards gamit ang pambato nilang episode kung saan ipapakita nila ang pinagdaanan ng isang Pinay comfort woman noong panahon ng pananakop ng mga Hapon sa bansa.
Pasok din sa listahan ng mga nominado ang isa sa longest running game shows sa bansa na Pilipinas Game KNB? para sa Best Game or Quiz Program. Ang Pilipinas Game KNB ay suking suki na rin sa award-giving body tulad ng Star Awards at Anak TV Seal Awards. Kamakailan, pinarangalan ang host ng programa na si Edu Manzano bilang Best Male Host sa MTRCB Awards.
Ang awarding ceremonies para sa taong ito ay gaganapin sa Dec. 3 sa Pan Pacific Hotel sa Singapore.