MANILA, Philippines - Pag-ibig ang mananaig sa huling gabi ng makulay na buhay sa telebisyon ni Rosalinda sa GMA Telebabad.
Maraming pagsubok ang pinagdaanan ni Rosalinda (Carla Abellana) para makasama ang prince charming niyang si Fernando Jose (Geoff Eigenmann). Pero kahit nagmamahalan, hindi boto sa kanila ang ina ni Fernando Jose na si Valeria (Sheryl Cruz). Dumating naman sa buhay ni Rosalinda si Alex Durantes (Jomari Yllana), ang taong tumulong kay Rosalinda nang magkaroon ng amnesia ang huli. Hindi lingid sa lahat na mahal ni Alex si Rosalinda at gagawin nito ang lahat makuha lang ang dalaga.
At ngayong nailigtas ni Alex si Rosalinda sa panibagong tangkang pagpatay ni Valeria sa buhay nito, may pag-asa na kaya ito sa puso ng singer? Sa pag-propose ni Alex kay Rosalinda ng kasal, tanggapin kaya nito ang alok ni Alex? Umiibig na nga ba si Rosalinda kay Alex?
Hahayaan ba ni Fernando Jose na mapunta sa iba ang nag-iisang babae sa buhay niya? Mapaibig pa kaya ni Fernando Jose si Rosalinda lalo’t alam ng huli na si Valeria ang gustong magpapatay sa singer? At kanino nga ba magpapakasal si Rosalinda – kay Alex o kay Fernando Jose?