Claudine pumirma ng 2 taong kontrata sa GMA 7

MANILA, Philippines - Pumirma na kahapon ng dalawang taong exclusive contract sa GMA 7 si Claudine Barretto. Yup, certified Kapuso na ang aktres na ma­tagal na panahong kapamilya ng ABS-CBN.

Ayon kay Claudine, originally ay pelikula lang ang gagawin niya sa GMA Films as co-producer ng Viva Films pero naging mabilis daw ang negotiations kaya agad nag-pirmahan ng kon­trata.

* * *

Twenty nine days na lang at Pasko na. Pero nakakagulantang ang mga nang­ yayari sa ating kapaligiran.

Hindi mo aakalaing may kayang pumatay ng 52 katao kasama na ang mahigit sampung journalist, buntis, babae at lalaki. Karumal-dumal ang ginawang pagpatay sa kawawang mga biktima.

Paano magiging masaya at makahulugan ang Pasko kung may ganitong malulungkot na pangyayari.

Dapat maparusahan ang may sala. Hindi ito dapat ma­kalampas.

* * *

Pramis, walang naniniwalang nakabuntis si Mark Herras. Paano raw mangyayari yun eh walang nakakakilala sa babaeng naghahabol na nabuntis siya ng aktor.

Kaya nga tinatawanan na lang ni Mark ang mga kuwento dahil hindi ito ang unang pagkakataon na natsismis siyang magkakaanak na.

Imbes na mag-react sa mga nasabing kuwento, kinakarir na lang ni Mark ang kanyang pangatlong dance album sa Universal Records.

Follow-up ang Mark Herras : The Greatest Moves sa kanyang dalawang double platinum album - with another surefire dance hit entitled Culos (as performed by H.O.M). Nauna nang inilabas ang Mark Herras Dance Hits & Mark Herras Dance Party na parehong naka-double platinum.

Anyway, kasama rin sa The Greatest Moves Tracklisting ang Culos – H.O.M., I Know You Want Me (Calle Ocho) – Pitbull, Now You See It – Honorebel feat. Pitbull & Jump Smoker, Bugglegum – The Baylies, The Anthem – Pitbull, Enjoy – the Outhere Brothers, Lujuria (RRF Remix) – Tammy, If You Don’t Know My Name (You Can Call Me Baby) – David Tavare, Electria Salsa (Baba Baba) – Alex Gaudino, Puttin’ On The Ritz – Alex Swings Oscar Sings, Two, Three, Four – Michael Mind, This Is Tecktonik – Marc De Siau and I Know You Want Me (Calle Ocho)/Crazy Pipe (Pump It Rock It)/Average Joe/Culos Medley.

Available na ito sa mga music bars nationwide.

* * *

Hindi nauubusan ng mga Pinoy na may kakaibang galing. Naglibot ang grupo ng Pinoy Got Talent sa buong Luzon at Visayas, at infairness ang dami raw nagpakitang gilas.

Dinumog daw kamakailan ang isinagawang auditions sa Batangas, Baguio at Cebu ng pinaka­bagong nationwide talent and reality show ng ABS-CBN.

Nagpasiklaban din daw ng talento ang mga taga-North, Central, at South Luzon pati mga taga-Visayas regions na may kanya-kanya pang baong gimik para lang makalusot sa unang round ng kumpetisyon at mas mapalapit sa tsansang manalo ng P2 milyon jackpot.

“Kahit kami nabigla sa mga kayang gawin ng Pinoy. Yung akala mo walang ibubuga sa unang tingin, yun pa yung nagpa-wow talaga sa amin,” kuwento ni executive producer ng programa na si Rancy Recato.

“May kumanta, sumayaw, tumugtog ng instrumento, nagsagawa ng mga makapigil hiningang stunt at meron din gumawa ng nakakaaliw na acts tulad ng paglaro ng trumpo, pagturo ng dog tricks, atbp. Maging mga lolo at lola na nasa 60 anyos mahigit ay hindi rin nagpahuli kasabay ng mga chikiting na kahit apat na taon pa lang ay nagpapamalas na ng galing.

“May mga sumali rin mula sa mga katutubong grupo tulad ng mga Badjao, at kahit may mga kapansanan ay nag-audition din. Bukas talaga ang PGT sa lahat, basta may talentong maaring ibahagi sa buong mundo,” sabi naman ng production manager na si Morly Nueva.

Unang pinatunayan ng single mom na si Madonna Decena na ang mga Pinoy ay sagana sa talento nang maging semi-finalist siya sa pinaka-popular na bersyon ng Got Talent na Britain’s Got Talent noong 2008.

Namangha ang UK sa kanyang talento at maging ang kinatatakutang hurado na si Simon Cowell ay napahanga niya. “For that one act, it was worth coming up here,” sabi ni Simon.

Ngayon pa lang ay excited na excited na ang 33-year-old singer sa pagdating ng Pilipinas Got Talent para mabigyan na rin ng pagkakataong makilala at sumikat ang iba pang Pinoy.

“Alam nating napaka-talented ng mga Pinoy. Sa pagkanta pa lang hindi ka na makakapili, paano pa kaya kung pati pagsayaw at iba pang uri ng talento kasama hindi ba? Tiyak mahihirapan ang mga judges nito,” paliwanag ni Madonna.

Payo niya lang sa mga susunod sa yapak niya ay ibigay lamang ang lahat ng makakaya at ituon ang pansin sa pagpapahusay pa ng kanilang talento.

Sa mga gustong ipakita ang kanilang mga talento, huwag palalampasin ang auditions ng Pilipinas Got Talent para sa mga taga-Northern Mindanao sa Southern Mindanao sa Davao sa Dec. 1 at 2; at Manila sa Dec 5, 6, 12, and 13. Magiging host ng programa sina Luis Manzano at Billy Crawford sa ABS-CBN.

* * *

True ang sabi ni ‘Nay Lolit Solis. May sawa factor na ang kuwento kina Manny and Jinkee Pacquiao at Krista Ranillo.

Nagsalita na ang lahat kaya umay na ang mga tao.

Waiting sila sa panibagong issue na sasabog.

Kumbinsido ang lahat na si Jinkee lang ang nagsasabi ng totoo.

May mga pahabol na sinabi sa 24 Oras si Jinkee last Tuesday. “Nasasaktan ako na pinag-uusapan ang aming pamilya. Kasi dapat, hindi pinag- uusapan ang aming private life kasi may mga anak ako,” sabi ni Jinkee sa reporter na si Jiggy Manicad.

“Ipaglalaban ko hanggang kaya ko. Mahirap ‘yong pagtayo ng isang pamilya na binuo namin tapos basta-basta mawawala, sa isang intriga lang, sa isang pagsubok lang bibitaw ka. Nung mula umpisa hanggang sa ngayon,10 years kaming nagsama (ni Manny) mahirap balewalain ang lahat,” sabi ni Mrs. Pacquiao sa nasabing interview ng news program ng GMA 7.

“Magiging masaya ba siya kung makasira siya ng isang pamilya? So, madami pa siyang makikilalang iba na single ‘di ba? bakit kailangan pa sa isang may asawa? Si Manny may mga anak, masaya ang family namin, mahirap yung masisira yung family… dapat tulungan na lang ang family namin at maging masaya sila para sa amin.”

Sapul na si Krista.

Nasabi na lahat. (Salve V. Asis)

Show comments