Talaga sigurong nalilinya sa suwerte ang alaga kong si Jake Vargas. Hindi lamang ito dinaratnan ng magagandang projects mula sa GMA 7, magkakaroon sila ng sarili nilang TV show sa 2010, isang series, silang apat na kabataan na nakasama sa Stairway to Heaven.
Dalawang taon na itong nakakapag-show sa abroad. Nung una, subok lang. Pinatikim ko ng Disneyland. Pero yung sumunod, talagang ni-request na siya. Kumita na siya sa kanyang ikalawang pag-alis. Bukod sa kanyang talent fee, mayroon pang isang couple, mga Pilipino rin, na nagbigay sa kanya ng cash nang malaman nilang mayroon itong ina na may sakit na cancer, stage four.
Noong manalo si Joel Cruz sa Celebrity Duets 3 ay binigyan niya si Jake ng P50,000. Nahihiya pa si Jake na tanggapin ang donasyon pero sinabi ng perfume magnate na talagang nagbibigay siya sa mga nangangailangan at tulong niya ito sa pagpapagamot ng mother ni Jake.
Grateful si Jake sa lahat ng mga biyayang dumarating sa kanya. Dasal niya na sana ay gumanda pa ang career niya para matustusan ang pagpapagamot ng kanyang ina. Hindi naman siya nagpapabaya sa kanyang career. Patuloy siya sa pagkuha ng mga acting workshops at patuloy siya sa pag-aaral nang pagtugtog ng gitara.
* * *
Nalulungkot naman ako para kay Sheryl Cruz. Kung kailan nagkabati-bati na silang magpipinsan ay saka naman dumating ang divorce papers nila ng kanyang asawa.
Suwerte-suwerte lang naman iyang pag-aasawa. At least meron siyang magandang souvenir from her failed marriage. Sapat na ang daughter niya para naman hindi maging mapait para sa kanya ang sinapit ng kanyang marriage.
Maganda rin naman ang takbo ng kanyang career dito. She has established herself as a good actress at bagama’t puro kontrabida roles ang naibibigay sa kanya, pasalamat na rin siya dahil natsa-challenge siya. Pero nangangarap din naman siya ng ibang role.
* * *
Binabati ko ang dati kong co-host sa Walang Tulugan na si Sandra Seifert na nanalong Miss Earth Air sa pageant na ginanap sa Boracay nung Linggo ng gabi.
Definitely, siya ang pinakamatalinong kandidata sa nasabing beauty pageant. Hindi rin siya pahuhuli pagdating sa pagandahan pero dahil dito sa atin ginanap ang pageant kung kaya malabong mapanalunan natin ng madalas ang titulo. Baka tayo maakusahan ng hometown decision.
Sa pagkapanalo niya, kailangan muna niyang magbakasyon bilang isang nurse at pagtuunan ng pansin sa kanyang gawain bilang Miss Earth Air. Ito ay ang pangangalaga ng mother nature and the environment.
* * *
Kawawa ang mga babaeng ikinakabit ang pangalan kay Manny Pacquiao. Hindi man sila makarelasyon nito, nadungisan na ang pangalan nila. Natanim na ang suspetsa sa kanila.
Naaawa nga ako kay Krista Ranillo dahil she has been judged. Wala mang katotohanan ang ibinibintang sa kanya, marumi na ang tingin sa kanya ng tao, isang homewrecker, mang-aagaw ng asawa ng may asawa. Tsk, tsk, tsk.
Ngayon, kailangan na niyang magsalita. Linisin niya ang kanyang pangalan, ang buo niyang pagkatao dahil hindi lamang siya ang apektado, damay na rin ang kanyang mga magulang at ang buo niyang pamilya.
Hindi sapat na si Manny lamang ang magbibigay ng kanyang panig. Lalaki ito at karangalan pa nga niyang magkaroon ng mahabang listahan ng mga girlfriends.