Lisa sasayaw ng 'mother role'

MANILA, Philippines -  Inihahandog ng Ballet Manila ngayong Kapas­kuhan ang Alamat: Si Sibol at Si Gu­naw, isang kuwentong kawiwilihan ng buong pamilya at ng mga nagmamahal sa kali­kasan. Base sa aklat ng Palanca Award hall of famer na si Ed Maranan, ito’y mapa­panood sa Dis­yembre 4, 5, 6, 12 at 13 sa Aliw Theater sa CCP Complex, Roxas Boulevard, Pasay City.

Sa kauna-unahang pagkakataon, sasa­yawin ng prima ballerinang si Lisa Macuja-Elizalde ang isang “mother role” bilang ang diyosang si Luningning na nakatalagang pa­nga­lagaan ang kalikasan. Iibig si Luningning sa isang mortal na nagngangalang Kapuy sa pagganap ni Nazer Salgado. Ang mag-asa­wa’y magkakaroon ng kambal na supling—sina Sibol at Gunaw na mayroong kapang­yarihan upang alagaan o wasakin ang mundo. Ang Ballet Manila soloist na si Yanti Marduli ang gaganap bilang Sibol, samantalang si Francis Cascano naman bilang Gunaw.

Ang Alamat: Si Sibol at Si Gunaw ay isang original na Pilipinong produksiyon na nagta­tampok din sa choreography nina Osias Barroso, co-artistic director ng Ballet Manila, at senior soloist na si Gerardo Francisco; musical arrangement ni Mon Faus­tino; at musika ng Kontra Gapi. Gawa naman ni Jonathan Janolo ang production design at ni Macky Albay ang costume design, Jaime Villanueva ang lighting design na hango sa mga guhit ni Ronaele Maranan sa aklat na nilimbag ng The Bookmark Inc.

Pahayag ni Lisa Macuja-Elizalde: “Gusto naming laging masorpresa ang mga manonood ng Ballet Manila. Kaya sa pagkakataong ito, naisip naman­namin na ipakita sa kanila ang isang nakatutuwang ballet na mayroon ding mahalagang mensahe ukol sa kalikasan. Sana’y magustuhan din nila ang Alamat: Si Sibol at Si Gunaw, gaya ng naging mainit na pagtanggap nila sa Tatlong Kuwento ni Lola Basyang noong nakaraang taon.”

 Para sa tiket at iba pang katanungan, tumawag lamang sa 400-0292 or 525-5967 o kaya pumunta sa www.balletmanila.ph or email info@balletmanila.ph.

Show comments