Nanghihinayang sina Christopher de Leon at Tirso Cruz lll sa hindi pagkakatuloy ng concert nila sa US kasama si Nora Aunor.
Walang masabing detalye ang dalawang aktor tungkol dito dahil wala naman daw sinabi sa kanila si Nora bukod sa ang tseke na ibinayad sa kanya (Nora), na kung saan kukunin hindi lamang ang down payment para sa kanilang TF at transportation expenses para sa pagpunta nila dun at iba pang gastusin ay tumalbog. Nagpasya si Nora na huwag na lamang ituloy since sa DP pa lamang ay nagkaproblema na. Baka pagdating nila dun ay hindi na sila mabayaran ng buo.
Hay naku, pati pala sa US may ganitong modus operandi na bumibiktima sa mga entertainers. Dapat ang mga aalis, mayroong round trip ticket para hindi man nila makuha ng buo ang TF nila, makakauwi pa rin sila.
* * *
Napaka-sweet naman ni Billy Crawford na tumawag pa sa akin from Switzerland na kung saan naroroon sila nina Sarah Geronimo para sa ilang shows para lamang batiin ako ng happy birthday. Di ito nakarating nung celebration ko sa Walang Tulugan dahil nagkagulu-gulo ang sked niya . Ngayon lamang siya nagkaroon ng pagkakataon na gawin ito at nataon pang napakalayo niya, nasa abroad.
* * *
Napakalaki ng utang na loob ko sa may-ari ng Teatrino dahil ibinigay na naman sa akin ng libre ang paggamit ng kanyang lugar sa thanksgiving party ko para sa press dahil sa dalawang magkasunod na pananalo ko bilang best supporting actor sa PMPC Star Awards at FAMAS.
Siya si Precy Florentino na bukod sa pagpapagamit sa akin ng Teatrino ay nagbigay din ito ng isang 40-inch TV set at P18,000 para sa aking pa-raffle.
Kay Precy at sa lahat ng tumulong sa pagdiriwang ko ng maagang Pasko, maraming salamat muli.
* * *
Nakikiramay ako sa pamilya ng actor na si Johnny Delgado na namayapa na dahil sa kanyang sakit na cancer. Isang malaking kawalan ito hindi lamang sa kanyang pamilya, kina Laurice (Guillen, ang magaling na director) at mga anak nila kundi sa isang industriya na matagal din niyang pinagsilbihan at binahaginan ng kanyang talento.
* * *
May Christmas series na ipalalabas ang Siete sa buong buwan ng Disyembre starring Christopher de Leon, Dante Rivero, Maxene Magalona, TJ Trinidad, at JC de Vera titled Sana Ngayong Pasko. Kasama rin dito si Susan Roces na galing ng ABS-CBN.
Nakausap ko si Mareng Susan para sa aking column dito sa PSN at para din sa Walang Tulugan.
Nabalikan namin ang alaala nung panahon na nagpo-prodyus pa ako ng telesine para sa Siete. Sana raw gawin kong magprodyus muli ng mga ganitong palabas dahil talaga raw magaganda yung mga ginawa ko.