Dati-rati ako ang pinaka-maagang magbigay ng Christmas party sa press. Sinabi kong dati dahil itinigil ko ito dahil sa kakapusan ng resources.
Hindi ko mabalewala o ‘di pansinin ang pananalo ko ng makalawang ulit ng best supporting actor sa Star Awards at FAMAS kung kaya sa kabila ng kahirapan ng panahon ay nagbigay ako ng thanksgiving party sa entertainment press na ginawa ko na ring maagang pagdiriwang ng Pasko, Christmas in November.
Hindi ito bongga kundi isang simpleng pasasalamat sa suporta ng media at ilang mga kaibigan sa showbiz na patuloy din sa kanilang suporta sa akin. May simpleng pa-dinner, isang maliit na raffle ng ilang mahahalagang premyo na hiningi ko sa malalapit na kaibigan.
Masaya naman ang mga nanalo.
Nakita kong masaya naman ang lahat kahit na-bore sa aking palagiang kuwento ng aking pagsisimula sa showbiz at ang hirap na pinagdaanan ko.
* * *
Balitang mayroong bagong idini-date ang dancer-comedian na si Vhong Navarro na isang non-showbiz girl. Anim na buwan na silang lumalabas at sana mauwi na ang paglabas-labas nila sa totohanan para magkaroon na rin ng kulay ang lovelife ni Vhong matapos siyang makipaghiwalay kay Desiree del Valle.
* * *
Bigatin na talaga si Imelda Papin. Kung nung una akong pumunta ng Las Vegas ay ipinasundo niya ako sa isang limousine, ganito rin ang ginawa niya kay Mommy D (Dionisia Pacquiao, ina ni Manny) na pumunta ng Vegas para suportahan sa kanyang laban ang kanyang anak.