Mommy D. muntik mapingas ang tenga!

Marahil kung hindi nanalo si Manny Pacquiao laban kay Miguel Cotto ay baka labis na dinamdam ng kanyang inang si Mommy D. (Dionisia) ang muntik na pagkakapingas ng kanyang tenga nang may magtangkang hablutin ang kanyang brilyanteng hikaw. Pero dahil nga nagdiriwang sa tagumpay ng kanyang anak kung kaya hindi na gaanong pinansin ng bagong komedyante ang nangyari. Wala namang nawala sa kanya. Hindi sapat ang sakit ng kanyang tenga para mabawasan ang pagbubunyi ng popular na ina dahil sa victory ng kanyang anak.

Samantala, tila hindi ramdam ni Manny ang pagod. Nagawa pa niyang mag-concert pagkatapos ng kanyang laban na kung saan kumanta siya ng ilang mga awitin sa pagkakatuwa ng mga nanood sa kanya.

Talagang may dapat ipagdiwang ang boksingerng nanalo ng kanyang ika-pitong titulo. Sa kauna-unahang pagkakataon, buo ang kanyang pamilya na kasama niya sa kanyang pagsasaya. Kahit magkahiwalay ang kanyang ama at ina, pinagbigyan nito ang kagustuhan niyang magsama-sama silang panoorin ang kanyang laban. Nakasama rin sa Las Vegas ang kanyang mga kapatid.

* * *

Kung dati ay minahal n’yo si Budong bilang Super Inggo, ngayong Nov. 22, 10:30 AM, pagkatapos ng Matanglawin, ay makakasama n’yo siyang muli ngunit bilang isang animé character na! Siguradong mag-i-enjoy ang buong pamilya sa special Super Inggo at ang Super Tropa animation series.

Ang Super Inggo at ang Super Tropa ay ang kauna-unahang Pinoy animé series na mapapanood at patuloy na magbibigay inspirasyon sa bawat kabataang Pilipino na may puso sa pagtulong sa kapwa.

Talagang pinagkagastusan ng Kapamilya network ang seryeng ito na may drama, action at fantasy!

Thirteen weeks mapapanood ang mga adventures ni Budong simula sa darating na Linggo sa ABS-CBN.

* * *

Kasabay nang pagsisimula ng 5th Cinema One Originals Digital Film Festival sa Gateway Mall Cinema, mapapanood din ang mga winning films nina Danny Zialcita at Brillante Mendoza sa Cinema One bilang pagdiriwang naman ng ika-15 anibersaryo ng movie cable channel.

Napanood ang pelikula ni Zialcita na Gaano Kadalas ang Minsan; Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi; Palabra de Honor; at palabas ngayon (Nob. 17) ang Bakit Manipis ang Ulap.

Ang indie film director namang si Mendoza ay nagpamalas ng kanyang kahusayan sa mga pelikulang Serbis; Lola; Tirador; at Masahista (ngayon ding Nob. 17).

Kasabay ng mga pelikulang nabanggit, kasama rin ang mga Originals finalists tulad ng Bala-Bala, Maximus & Minimus, Si Baning, si Maymay at Ang Asong si Bobo, Wanted: Border at Paano Ko Sasabihin.

Show comments